II. Instrumento ng Progreso

II. INSTRUMENTO NG PROGRESO

KUNG ang progreso ang pag-asa ng tao, paano ba ito umaandar sa tinakbo ng kasaysayan at hindi umaasenso ang kabuhayan ng marami? Sa gubat nagsimula ang kasaysayan ng tao. Pero hindi ito ang eksplinasyon sa makahayup na relasyong umiiral sa modernong mundo.

Noong halos wala pa siyang saplot sa katawan, komunal* at pantay-pantay ang pamumuhay ng tao sa lipunang primitibo. Tulong-tulong, hati-hati sa limitadong produkto ng kolektibong paggawa. Di gaya ngayon. Kanya-kanya, masyadong indibidwalisado. Ito’y sa kabila ng ganap nang sosyalisado** ang paggawa ng modernong ekonomya. Sobra-sobra ang kapasidad sa produksyon ng modernong industriya.

HIndi lang sosyalisado kundi globalisado na nga ang produksyon ng modernong lipunan. Pero imbes na internasyunal na kooperasyon ng mga bansa, internasyunal na kompetisyon ang salalayan at kahulugan ng globalisasyong ito.

Ang Gusto Nating Maintindihan

Ang gusto nating maintindihan ay bakit hanggang ngayon, "batas ng gubat" ang umiiral sa dapat ay sibilisadong mundo? Talaga bang nasa kalikasan ng tao ang pagiging malupit o ang makahayup ay ang sistemang naghahari sa lipunan?

Ang gusto nating maintindihan ay bakit noong salat na salat sa materyal na pangangailangan ang tao, mahigpit ang pagtutulungan. Nang sumagana ang lipunan, saka ganap na naghari ang kasakiman. Nasa kalikasan ba ito ng tao o nasa kalikasan ng lipunang kanyang ginagalawan?

Ang gusto nating maintindihan ay bakit noong antigong palakol pa lang ang gamit sa produksyon, kahit limitado ang produkto ng komunal na paggawa, pantay ang hatian ng tao sa benepisyo ng kanilang pinagpaguran? Ngayon, mayroon nang mga makinaryang ang kapasidad ay katumbas ng dating paggawa ng milyun-milyong tao. Pero saka naman naging mas hikahos at salat sa pangangailangan ang marami. Wala na ba talagang katapusan ang ganitong kahirapan sa kabila ng lahat ng kaunlaran?*

Simula ng Kasaysayan

Ang tao ay nagsimula sa simpleng mga pangangailangan na direktang kinukuha niya mula sa Kalikasan. Sa loob ng ilang daang libong taon, siya’y nabuhay ng halos walang ipinag-iba sa karaniwang hayop. Lumalambitin sa mga puno para mamitas ng makakain. Nanghuhuli ng mga hayop na ang gamit lang ay ang kamay, paa at braso.

Simple lang noon ang kailangan ng primitibong tao. At masaganang bukal ang Kalikasan ng ganitong mga nesesidad. Sa simula, dehado siya sa ibang hayop. Imperyor ang kanyang pisikal na lakas kumpara sa kanyang mga natural na karibal at kasosyo sa benepisyo sa Kalikasan.

Pero nang matuto ang tao na gumawa at gumamit ng mga instrumento para sa kanyang ikabubuhay, dito nagsimulang umangat ang kanyang katayuan. Lumitaw ang kanyang superyoridad kumpara sa karaniwang mga hayop sa gubat. Dito nagsimula ang kanyang kasaysayan, ang kasaysayan ng lipunan.

Ang istorya ng tao ay kasaysayan ng pag-unlad ng kanyang mga instrumento sa produksyon – mula sa simpleng palakol na bato ng primitibong sistema hanggang sa higanteng makinaryang bakal ng modernong industriya. Kaya nga’t ang kasaysayan ng unang mga tao ay hinati sa sinasabing Stone Age, Bronze Age at Iron Age na kumakatawan sa materyales ng kanilang mga instrumento sa produksyon. Ang kakayahang gumawa at gumamit ng instrumento ang mapagpasyang ipinag-iiba ng tao sa karaniwang hayop. Ito ang paliwanag sa walang tigil na pag-unlad ng paraan ng pamumuhay sa lipunan.

Ang Paggawa ng Tao

Ito ang tinatawag nating paggawa – ang proseso ng inter-aksyon ng tao sa Kalikasan. Isang prosesong sa pamamagitan ng kanyang pagkilos, nagagawang panghimasukan, panghawakan at pangasiwaan ng tao ang metabolismo* sa pagitan niya at Kalikasan. Ang tao ay bahagi ng Kalikasan. Hinaharap niya ito bilang isang pwersa rin ng Kalikasan. Pinagagalaw niya ang natural na mga pwersa na taglay ng kanyang katawan – ang kanyang braso at kamay, ulo at paa – upang pakinabangan ang materyales na galing sa Kalikasan at baguhin ang natural na anyo nito nang ayon sa kanyang mga pangangailangan.

Sa pamamagitan ng produktibong aktibidad na ito ng tao – sa kanyang paggawa – ginagamit niya ang Kalikasan at binabago ito. At sa proseso ng paggawang ito, kasabay niyang binabago at pinauunlad ang kanyang sariling kalikasan.

Ginigising ng paggawa ng tao ang mga potensyalidad at superyoridad na nahihimbing sa loob ng kanyang pagkatao. Ipinapailalim ito sa kontrol ng kanyang utak na siyang krusyal at natural niyang kalamangan sa ordinaryong hayop.

Sa paggawa, nalikha ng tao ang kanyang mga instrumento Sa pamamagitan ng mga instrumentong ito, umunlad ang kanyang paggawa.

Hindi natin dito tinutukoy yaong unang instinktibong* mga porma ng paggawa ng tao sa panahong halos hindi pa siya nakakaangat sa antas ng ordinaryong mga hayop sa kanyang paligid. Ang tinutukoy natin ay yaong paggawa na eksklusibo at ispesyal na tatak ng tao – ang intensyunal na aktibidad, ang aktibidad na may maliwanag na layunin.

Ang taong tagahabi ay daig ng ordinaryong gagamba sa artistikong paghabi ng kanyang sapot. Hihiyain ng bubuyog ang isang arkitekto sa paggawa ng mumunting lungga’t selula ng pukyutan. Pero ang ipinag-iiba ng arkitekto o tagahabi ay ito: Bago itayo ng arkitekto ang gagawing bahay o bago simulan ng tagahabi ang kanyang tela, buo na sa kanilang isip ang itsura at plano nito samantalang ang gagamba o bubuyog ay instinktibo lang ang pagkilos. Walang "imahinasyong" nagpapagalaw sa kanilang natural at instinktibong aktibidad.

Hindi lang basta binabago ng tao ang porma at komposisyon ng materyales na galing sa Kalikasan. Isinasakatuparan niya ang kanyang mga layunin sa pamamagitan mismo ng Kalikasan. Ito ang saligang elemento ng proseso ng paggawa – ang mulat, intensyunal, sinasadayang produktibong aktibidad ng tao.

Ang iba pang simpleng elemento ng proseso ng paggawa ay ang mga materyal at instrumento ng paggawang ito. Pag-ibahin natin ang materyal sa instrumento ng paggawa. Ang Kalikasan ang suplayer ng tao ng natural na materyales. Lahat ng bagay na simpleng inihiwalay ng tao sa kanyang kagyat na koneksyon sa Kalikasan gaya ng isda sa tubig, kahoy sa gubat, mineral sa lupa, atbp., ay tawagin nating likas na materyales ng paggawa. Pero kapag ang materyales na galing sa Kalikasan ay dumaan na sa kamay ng tao, ginamitan ng kanyang paggawa, at muling gagamitin para sa panibagong proseso ng paggawa, ang tawag natin dito ay hilaw na materyales ng paggawa.

Ang instrumento sa produksyon ay isang bagay, o komposisyon ng mga bagay, na ginagamit ng tao para isakatuparan ang modipikasyon ng materyales ng kanyang paggawa. Ginagamit ng tao ang mekanikal, pisikal at kemikal na mga katangian ng mga bagay bilang instrumento ng kanyang paggawa para gamitin sa modipikasyon ng iba pang mga bagay at isakatuparan ang kanyang mga layunin.

Orihinal na Warehouse at Toolhouse

Kung simpleng pinipitas ng tao ang prutas na natural na tumubo sa isang puno, ang kabuuan ng kanyang katawan ang kanya mismong instrumento ng paggawa. Sa simula’t simula, sa primitibong panahon, ang ginagalawang natural na paligid ng tao – ang mismong daigdig – ang suplayer ng materyales at instrumento ng paggawa ng tao.

Kung ang mundo ang orihinal na warehouse ng tao ng likas na materyales, ito rin ang kanyang orihinal na toolhouse para sa kanyang unang mga kasangkapan.

Isinuplay nito, halimbawa, ang bato na kanyang pinangpupukol bilang krudong instrumento o hinahasa para gawing palakol. Pati ang daigdig ay instrumento ng paggawa. Pero para ito magamit sa ganitong paraan, halimbawa sa agrikultura, nangangailangan ang tao ng iba pang instrumento na gaya ng araro o asarol, at nangangahulugan kung gayon, ng mas abanteng antas ng pag-unlad ng sistema ng produksyon.

Mula nang dumaan ang proseso ng paggawa ng tao sa kahit bahagyang pag-unlad, nangailangan na ito ng ispesyal na mga instrumento para sa kanyang mga ispisipikong mga layunin. Mapag-iiba ang pang-ekonomyang mga sistema na dinaanan ng kasaysayan ng tao, hindi pa sa kanilang aktwal na mga produkto kundi sa ginamit na mga instrumento sa produksyon. Matagal nang gumagawa ng produktong pagkain ang tao. Ang pagkakaiba ay ang kanyang paraan ng paggawa nito.

Hindi lang ito nagsisilbing istandard para masukat ang antas ng pag-unlad ng paggawa. Mas mahalaga, makikita ang umaandar na mga relasyon ng tao habang ginagamit ang mga instrumentong ito. Ang mga relasyong ito ng tao sa paggamit ng mga instrumento sa produksyon ang masusi nating pag-aralan kung layon nating maliwanagan ang katanungan at kasagutan sa problema ng kahirapan sa lipunan.

Kantyaw ng Unggoy

Ang tao – sa primitibo hanggang modernong lipunan – ay nabuhay at patuloy na nabubuhay sa pamamagitan ng paggawa. Lahat ng likhang-yaman ng tao, lahat ng bagay na nabibili sa lipunan, ay nagdaan sa proseso ng paggawang ito. Ang paggawang ito ay umunlad nang umunlad, at ang pamumuhay sa lipunan ay umansenso nang umasenso sa pagsulong ng mga instrumentong ito. Ang unggoy na dati’y kapantay lang ng tao, hanggang ngayon, ay pagala-gala pa rin sa gubat sa paghahanap ng kanyang makakain habang ang tao ay gumagala na sa kalawakan sa paghahanap ng ibayong karunungan. Ito’y dahil sa paggamit at pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon ng tao.* Kung dati’y ang primitibong tao ay mistulang alipin ng Kalikasan, ngayon, ang modernong tao ay mistulang hari sa Kalikasan.

Pero hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao.

Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig.

Sapagkat bakit ganito ang pamumuhay ng karamihan ng tao? Isang kahig, isang tuka, gula-gulanit ang mga damit, barong-barong ang bahay, nangangamatay sa malnutrisyon, miserableng-miserable ang buhay, mga simpleng nesesidad ay hindi matugunan. Kahit ang primitibong tao na hanggang ngayon ay matatagpuan pa rin sa mga liblib na gubat ay magtataka at mapapailing: Ano ang nangyari sa katakut-takot na progreso, sa lahat ng pantastikong iniunlad ng unang mga instrumento sa produksyon – at ganito pa rin ang pamumuhay ng mayorya ng populasyon? Mahirap pa sa daga ang karamihan ng tao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento