III. Instrumento ng Pagsasamantala

III. INSTRUMENTO NG PAGSASAMANTALA

HINUHUKAY ng syensya ang mga labi ng sinaunang panahon para tuklasin ang istorya ng ating mga ninuno. Hanapin ang sinasabing "missing link" sa primitibong kasaysayan ng tao. Sa parehas na paraan, balikan natin ang primitibong panahon. Dito kasi madaling malinawan ang istorya ng patuloy na paghihikahos ng tao sa mundo. Ang kumplikadong usapin ng kahirapan sa modernong lipunan ay napakasimpleng intindihin kapag sinimulan sa simpleng karanasan ng primitibong tao.

Pero hindi gaya ng "missing link" na hanggang ngayon ay kailangan pang matagpuan ng tao – ang kasagutan sa pinag-uugatan ng kahirapan – ay maituturing na isang "open secret" na ayaw lang aminin ng lipunan, ng mga protektor at propeta nito. Ito’y walang iba kundi ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay ng tao sa mundo.

Panahong Walang Pang-aalipin

Ang primitibong tao ay umimbento ng mga krudong instrumento para umunlad ang kanyang paggawa. Para umalwan ang kanyang pamumuhay. Mula sa simpleng mga sanga ng kahoy o matutulis na bato, natuto siyang gumawa ng mga sibat at palakol. Sa mahabang panahon, napako ang primitibong tao sa isang klase ng pamumuhay na bahagyang nakakaangat sa ordinaryong mga hayop. Nanatili siya sa ganitong antas hangga’t hindi siya nakakaalpas sa kanyang mga primitibong instrumento.*

Dahil sa limitasyon ng kanilang primitibong instrumento, obligadong mabuhay ang unang mga tao sa komunal na paraan, sa komunal na paggawa. Narito lang kasi ang bisa ng kanilang mga krudong instrumento – ang sila’y magtulong-tulong. Ipunin ang kanilang talino at lakas. Paghatian ng pantay-pantay, ayon sa pangangailangan ng bawat myembro, ang produkto ng kanilang kolektibong paggawa. Ang sibat at palakol ay epektibo lang kung gagalaw ang tribo ng sama-sama, hindi kanya-kanya. Ang mga instrumento sa paggawa ay kumon na pag-aari ng buong tribo. Hindi pag-aari ninuman ang mga materyal ng kanilang kumon na paggawa. Natural lang, samakatwid, na ang produkto ng komunal na lipunan, gaano man kasalat, ay para sa lahat.

Ang pagkakaroon ng sibat o palakol, sa simula, ay hindi naging dahilan para gamitin ang mga instrumentong ito para mang-alipinin ang tao ng kapwa. Nagagamit niya ang mga sibat at palakol sa mga alitan sa ibang tribo. Pero, sa mahabang panahon, ang mga nagagapi ay hindi ginagawang alipin ng matagumpay na pangkat. Narito ang importanteng tanong: Bakit?

Kung iinterbyuhin ang primitibong tao, simple ang kanyang magiging sagot: Bakit siya mambibihag para mang-aalipin kung dagdag lang itong pakakainin sa primitibong lipunan? Kung siya ay mang-aalipin, kailangang ang trabaho ng mga bihag ay kayang bumuhay sa tribo, sa mga gwardya, at syempre, pati sa pinagtatrabahong mga bihag.

Sa madaling salita, kailangang madoble o matriple ang produksyon ng indibidwal na bihag. Pero ang produktubidad ay kumporme sa instrumento. Kung sibat at palakol lang ang gamit, ang produksyon nito ay halos hindi makasapat para bumuhay ng isang tao kaya nga’t obligadong maging komunal noon ang paggawa. Kung ganito lang ang produktubidad ng primitibong instrumento, para saan pa’t magmimintina ng mga bihag? Iiral ang kanibalismo pero hindi ang pang-aalipin ng tao sa tao sa batayan ng primitibong produksyon.*

Paano o kailan, kung gayon, nangyari na nagsimulang mangbihag ang tao para mang-alipin ng kapwa? Sapagkat, matapos ang mahabang panahon, dumating rin ang yugtong ang komunal na paggawa ay pinalitan ng sistema ng aliping-paggawa.

Lumitaw ito sa ibabaw ng lipunan pagdating ng kalagayang may kapasidad na ang tao na lumikha ng sobra sa indibidwal at kagyat na pangangailangan. Ang paggawa ng isa ay pwede nang bumuhay sa dalawa o higit pang indibidwal. Ang implikasyon nito ay may kapasidad na ang lipunan na lumikha at mag-ipon ng surplas na produkto.

Ibig sabihin, pwede nang mabuhay ang lipunan sa paggawa ng isang seksyon ng populasyon habang ang surplas na produkto ay pwede nang ariin ng isang seksyon ng lipunan na hindi obligadong magtrabaho. Pwede lang mangyari ang ganitong sitwasyon batay sa pag-unlad ng produktubidad ng lipunan. Sa pag-unlad ng kanyang mga instrumento sa produksyon. Nang matuto ng produksyon ng pagkain ang tao.

Paglitaw ng Pribadong Pag-aari

Nangyari ito nang matuto ang tao – at kanyang mapaunlad – ang domestikasyon ng mga halaman at hayop. Dito nagsimula ang sinasabing "sibilisasyon" – nang magpalit ang tao ng "propesyon". Mula sa pagala-gala sa gubat para manghuli ng hayop at mamitas ng prutas (hunter-gatherer) ay matutong magtanim ng halaman at mag-alaga ng hayop (farmer-herder).

Sa loob halos ng 7 milyong taon, ang primitibong tao ay parehas lang ng ordinaryong hayop sa gubat na hindi marunong gumawa ng pagkain at nabubuhay lang sa kanyang matatagpuan sa kagubatan. Humigit-kumulang ay nasa 10,000 taon pa lang halos ang nakalilipas mula nang matuto ang tao ng produksyon ng pagkain. Nang matutunan niya ito, biglang bumilis ang martsa ng kasaysayan at pag-andar ng progreso.

Nang matuto ng agrikultura at paghahayupan, pumirmi na ang mga tribong marunong nito sa permanenteng komunidad. Mabilis na lumago ang populasyon dahil lumago ang produksyon ng pagkain. Sa paglago ng populasyon at kapasidad sa produksyon, unti-unting lumitaw ang mga dibisyon ng paggawa sa lipunan.* Dumami ang magkakaibang produkto ng paggawa dahil nalibre sa produksyon ng pagkain ang ibang seksyon ng lipunan. Sa pagsulong ng agrikultura, hindi lang nalibre ang ibang seksyon sa produksyon ng pagkain kundi nalibre sa mismong pagtatrabaho. Lumitaw ang ang uring mapagsamantala.

Sa yugtong ito ng kasaysayan lumitaw ang pribadong pag-aari. At sumunod ang transpormasyon ng primitibo ngunit pribadong mga instrumento sa produksyon bilang instrumento ng pagsasamantala ng tao sa tao. Nang ang dating komunal na pag-aari ay maging pribado, nagsimulang mahati ang primitibong lipunan sa mga uri – ang mga uring nagmamay-ari at mga uring walang pag-aari. Nagsimulang matransporma at lumawak ang abanteng mga tribo sa anyo ng mga kaharian. Lumitaw ang unang bersyon ng isang estado sa ibabaw ng lipunan. Ang estado ng mga panginoong may-alipin.**

Ang paglitaw ng estado bilang institusyon sa ibabaw ng lipunan ay konektado at nakaugat sa transpormasyon ng instrumento sa produksyon bilang pribadong pag-aari at bilang instrumento ng pang-aalipin. Ang papel sa lipunan ng institusyon ng estado ay magsilbing instrumento ng paghahari ng mga uring nagmamay-ari ng mga instrumento sa produksyon ng lipunan.

Paglitaw ng Pang-aalipin

Nang mapaunlad ang agrikultura, nagkaroon ng kabuluhan ang bumihag ng mga tao upang gawing mga alipin ng "sibilisadong" kaharian ng panginoong may-alipin. Nang mapaunlad ng tao ang asarol at araro, mas ginamit na ang sibat at palakol para bumihag ng mga aalipinin sa bukid para pakainin ang mga panginoon sa lipunan at magpaalila sa maluhong pamumuhay ng mga naghaharing uri.

Kung kailan natutong magtanim ng pagkain, saka natuto ang tao na gutumin ang kanyang kapwa. Kung kailan natutong mag-alaga ng hayop, saka natuto ang tao na mang-alila. Nang matutong magpaamo ng mga hayop, saka naging malupit ang tao sa kanyang kapwa.

Ang mismong tao bilang alipin ang ginawa at ginamit na instrumento sa produksyon. Dati, para mabuhay, ang may katawan ang gumagamit sa kanyang sariling kamay at braso dahil sa kawalan ng instrumento Nang magkaroon ng mas mauunlad na mga instrumento, ang katawan ng ibang tao ang ganap nang trinansporma sa ordinaryong kasangkapan sa anyo ng alipin.

Nang maging "sibilisado" ang tao, saka siya naging mapagsamantala. Lumitaw ang sistemang inaalipin ng iilan ang marami. Ito ang "trahedya" ng progreso, ng pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon ng tao. Nang inabot nito ang isang antas ng pag-unlad, imbes na manatiling simpleng instrumento sa produksyon – sa kamay ng isang seksyon ng lipunan – ito’y naging instrumento ng pang-aalipin sa mayorya ng populasyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento