IV. Moralistang Eksplinasyon ng Kasaysayan

IV. MORALISTANG EKSPLINASYON NG KASAYSAYAN

Pero ang pangyayaring pinalitan ang komunal na paggawa ng aliping-paggawa ay hindi patunay na simpleng "ginising" ng pag-unlad ng produksyon ang "nahihimbing" na mapang-aliping "naturalesa" ng tao. Na ang pagiging mapang-alipin ay nasa mismong kalooban ng tao. Naghihintay lang na magkaroon ng abono para bumukadkad at yumabong, at maghasik ng kasamaan at kalupitan sa mundo.

Hindi sa "kalikasan ng tao" nanggaling ang kanyang pagiging mapang-alipin kundi sa relasyon ng tao sa paggamit ng kanyang inimbentong mga instrumento. Naganap ang pang-aalipin ng tao sa tao nang gawing pribadong pag-aari ang dating komunal na kagamitan.

Mula nang maganap ito sa primitibong panahon, nagsimula nang mahati ang lipunan sa iba’t ibang mga uri ng tao. Ang saligang batayan ng pagkakahati ay batay sa ari-arian. Ang relasyon sa produksyon ng tao ay naging relasyon sa pag-aari.. Nang mahati ang lipunan sa mga uri, ang hatian ng yamang likha ng paggawa ay hindi na batay sa pangangailangan kundi batay sa pribadong pag-aari. Hndi na lang kung sino ang nagtrabaho, kundi kanino ang kasangkapang ginagamit sa trabaho.

Mula noon hanggang ngayon ang yumayaman at nagpapasasa sa lipunan ay ang iilang may-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Ang laging naghihikahos ay ang mayorya ng populasyon na bumabalikat ng paggawa para sa buong lipunan. Mula noon hanggang ngayon ay laging pribadong pag-aari ng minorya ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan. Ginagamit ang pagmamay-aring ito sa ikabubuhay ng lipunan para pagsamantalahan ang paggawa ng mayorya ng populasyon.

Nang matutong gawing pribadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon, ang sumunod na hakbang ng tao ay pati ang kanyang kapwa ay ginawang pribadong pag-aari. Binihag na parang mga hayop at ginawang mga alipin ng mas abanteng tribo o lahi ang mas atrasado. Noong siya ay taong-gubat pa, hindi marunong ang tao na mang-alipin. Nang manirahan sa syudad, ang "sibilisadong" tao ay bumalik sa "batas ng gubat".

Mapang-aliping Sibilisasyon

Libong taon ring umiral ang ganitong klase ng sistema ng lipunan sa buong daigdig. Ang Great Wall of China, ang Pyramids sa Egypt, ang antigong mga guho sa Rome at Greece ay mga testimonya ng aliping-paggawa. Para itayo ang mga istrukturang ito, daan-daang libong alipin ang namatay sa pwersahang paggawa sa utos ng kanilang mga emperor at panginoon. Pero mismo ang naglalakihang mga pabrika at gusali ng modernong lipunan ay mga istrukturang nagpapatunay sa patuloy na pang-aalipin. Hindi na nga lang pwersang paggawa kundi sa paraan ng sahurang-pang-aalipin.

Kahit sa Pilipinas, bago dumating ang mga Kastila, ay umiiral ang sinaunang sistemang alipin. May mga sultan at datu at may tinatawag na mga "aliping namamahay" at "aliping sagigilid". Hanggang sa ika-19 na siglo, ang mga Itim na binibihag sa Afrika ng mga "slave traders" ay ipinagbibili sa Amerika at ginagawang mga alipin sa mga plantasyon.

Ang preserbasyon ng sistemang ito ng pribadong pagmamay-ari ng mga alipin ang dahilan kung bakit sumiklab ang Civil War sa Amerika noong 1861 – pitumpu’t walong taon matapos ideklara ang kasarinlan ng USA bilang kolonya ng Great Britain. Noon lang 1863 idineklara ni Abraham Lincoln ang abolisyon ng ganitong sistema* – pitumpu’t dalawang taon matapos ang ratipikasyon ng Bill of Rights ng nagmamalaking pinakademokratikong bansa sa daigdig (Box: Highlights of Slave System).

Balikan natin ngayon ang pundamental na usapin: Ang paglitaw at paglaganap ba ng kalupitang ito ng tao sa kanyang kapwa ay mas mauugat sa mapagsamantalang "kalikasan" ng tao? O ito’y mas resulta ng kalikasan ng lipunan batay sa antas ng pag-unlad ng mga kagamitan at sistema sa produksyon ng tao?

Ang moralistang interpretasyon sa kasaysayan ay hinuhusgahan ang tao batay sa unibersal na mga istandard ng "kabutihan" at "kasamaan". Pero mayroon nga bang unibersal na konsepto ang tao ng moralidad? O ang mga konsepto at istandard na ito ay likha rin ng tao? Nilikha nang ayon sa antas ng pag-unlad ng sibilisasyon na ang salalayan at sinasalamin ay ang narating na pag-unlad ng sistema ng produksyon.

Paghahari ng "Kasamaan" sa Lipunan

Maliwanag ang ebidensya ng kasaysayan na magkakaiba ang mga konsepto ng tao ng masama at mabuti, ng makatarungan at di makatarungan, ng makatao at makahayop, ng moral at imoral, at ito’y laging kumporme sa klase ng lipunang umiiral.

Sa kasalukuyang istandard ng moralidad, kahit ordinaryong tao sa kanto ay sasabihing mali at masama, makahayop at imoral ang gawing kalakal ang isang tao. Ipagbili upang gawing alipin na libreng patayin sa hagupit at pwersahang paggawa ng nakabiling panginoon. Pero bakit hindi ganito ang naging pananaw ng matatalinong pilosoper na gaya nina Aristotle, Plato at Socrates na nabuhay sa panahong ng aliping-paggawa?

Sila na rasyunal at kulturadong mga tao ng panahong iyon, hindi makukwestyon ang intelektwal na integridad, ay naatim sa kanilang "konsensya" at walang nakitang "imoral" ang mag-ari ng alipin. Sila na kahit kaliit-liitang mga penomena sa Kalikasan at Lipunan ay pinag-uukulan ng masusing pag-aaral at hinahanapan ng eksplinasyon ay walang nakitang masama sa sistemang alipin. Itinuring pa ngang "natural na kaayusan" sa daigdig.

Sina George Washington at Thomas Jefferson ang itinuturing na mga "ama" ng demokrasya sa Amerika. Ang ipinundar nilang "Unyon" ng mga estado sa Amerika ang ginagawang modelo ng demokrasya sa daigdig. Pero bakit hindi nila idineklara ang kalayaan ng mga aliping Itim sa Amerika kasabay ng deklarasyon ng kasarinlan laban sa Britanya, kasabay ng kanilang "deklarasyon ng pagkakapantay-pantay" ng tao sa lipunan?

Sa panahon naman ng pyudalismo, sinimangutan ng mga tagapangalaga ng moralidad ng sistemang ito ang sistemang alipin na ginagawang ordinaryong kalakal ang tao. Pero wala silang makitang masama at mali na ariin, kamkamin at solohin ng mga aristokrat at asendero ang mga lupain, at ipabungkal ito sa pwersahang paggawa sa masang magsasaka. Sa panahong ito lumitaw ang Simbahang Katoliko bilang pandaigdigang kapangyarihang tagapangalaga ng moralidad ng sangkatauhan.

Pero benindisyunan nito ang pyudal na sistema bilang "natural na kaayusan ng tao". Natural lang na ganito ang maging pananaw ng Simbahan dahil ito mismo ang pinakamalaking panginoong maylupa sa panahon ng pyudalismo. Wala ring nakitang imoral ang Simbahan nang panahong ito na habang-buhay na itali ang magsasaka sa lupain ng asendero at pigain sa sistema ng pwersahang paggawa.

Bilang ehemplo ng klase ng moralidad sa lipunan sa yugtong ito ng sibilisasyon, alalahanin natin na sa panahong ito naganap ang kilabot ng tinatawag na Inquisition,* ang opisyal na kautusan ng Simbahan na dakpin, tortyurin at sunugin nang buhay ang inaakusahan nitong mga erehe. Ituring na mga kampon ng demonyo dahil lang sa hindi sumusunod sa mga aral ng Katoliko Romano. Sa panahon ring ito inilunsad ang Krusada,* ang gera ng pananakop na pinanawagan ng Simbahan. Ginamit nito ang espada para paluhurin sa krus ang mga "barbarong Muslim" sa Europa at Asya. Dito sa Pilipinas, bahagi ng ating kasaysayan ang kalupitan ng mga prayle bilang mga kolonyalista at asendero habang nangangaral ng Kristyanismo sa di-binyagang mga Indio.

Binabanggit natin ang madilim na mga kabanatang ito ng Simbahan hindi para ito’y alipustahin kundi para lang patunayan na ang mga istandard at institusyon ng moralidad, ay dumaan rin sa isang kasaysayan ng pag-unlad kasabay ng pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon. Kung ngayon ay kontra ang Simbahan sa "death penalty", hindi ganito ang kanyang moral na tindig noong panahon ng Krusada at Inquisition.

Nasaan ang "Moralidad" sa Nakaraang 10,000 Taon?

Isinasalaysay natin ito upang patiningin ang pundamental na kwestyon: Naganap ba at naghari sa mundo ang ganitong mga anyo ng pang-aalipin sa loob ng ilang libong taon dahil pundido sa antigong panahong ito ang ilaw ng moralidad at binulag ng masamang budhi ang tao?

Sa ganitong simplistikong moralistang eksplinasyon sa kasaysayan, lalabas na kung nangibabaw pala ang "kabutihang-loob" noon, hindi sana nagkaroon ng sistemang alipin at sistemang pyudal sa balat ng lupa. Noon pa sana ay umiral na ang pagkakapatiran ng tao sa mundo. Kulang lang pala sa pangaral ang tao sa kung ano ang "masama" at "mabuti". Kung nasustentuhan sa pangaral, hindi sana nagkaganito ang kasaysayan. Hindi sana dumanas ang napakaraming henerasyon ng tao ng katakut-takot na kaapihan at kahirapan na nagpapatuloy hanggang sa ngayon.

Pero anong konsepto ng moralidad ang pipigil sa primitibong tao na gawing pribado ang antigong mga kasangkapan sa produksyon para alipinin ang kanyang kapwa kung mismong hanggang sa kasalukuyang panahon ng abanteng sibilisasyon ay walang nakikitang kahit isang bahid ng imoralidad sa pribadong pagmamay-ari ng mga makinarya para alipinin ang uring manggagawa sa anyo ng sahurang-paggawa?

Sa hinaba-haba ng kasaysayan ng tao, ng kasaysayan ng kanyang intelektwal na pag-unlad, ng pagsulong ng mga istandard at institusyon ng moralidad at sibilisasyon – hindi kailanman hinamon ng mga tagasermon sa lipunan ng "masama" at "mabuti", ng hustisya at ikwalidad, ang moralidad ng sistema ng pribadong pagmamay-ari. Gayong narito ang pinakaugat ng pang-aalipin sa lipunan. Kung mayroon mang "orihinal na kasalanan" ang tao, hindi lang ito ang pagkain ng "bawal na prutas" kundi ang kumain ang ilan sa pinagpaguran ng marami dahil lang sa lintik na pribilehiyo ng pribadong pag-aari.

Nesesidad Hindi Moralidad

Pero hindi dapat pagtakhan kung bakit hindi kinukwestyon ang "kasamaan" ng pribadong pag-aari sapagkat, sa esensya, hindi talaga ito usapin ng moralidad kundi ng isang nesesidad sa proseso ng pagsulong ng lipunan. Itinakda ng materyal na kondisyon ng pamumuhay ng primitibong tao ang pagiging komunal ng kanilang paggawa dahil sa limitasyon ng kanilang mga instrumento sa produksyon. Ang ibayong pag-unlad ng mga instrumentong ito sa paglikha ng surplas na produkto ang materyal na kondisyon naman para sumibol sa pusod ng lipunan ang pagsasamantala ng tao sa tao.

Walang moral na awtoridad sa lipunan ang makapipigil sa tao na ariin at kamkamin ang surplas na produkto dahil ito ang natural na epekto ng pribadong pag-aari gaya ng hindi rin kinukwestyon ang moralidad ng tubo sa kapitalistang sistema dahil itinuturing itong natural na karapatan ng may-ari ng kapital. Ang ligal na sistema ng isang partikular na kaayusang panlipunan ay inaayon sa umiiral na relasyon sa produksyon. Ganito rin ang mga istandard ng moralidad at hustisya. Binabagay at pinagsisilbi ito sa kalikasan ng naghaharing sistema ng produksyon. Hinuhubog sa imahe ng umiiral na lipunan.

Ligal sa sistemang alipin ang magbenta at mag-ari ng mga alipin bilang kalakal. Dahil ang trato sa alipin ay ordinaryong bagay at hindi tao, siya ay walang anumang ligal na karapatan sa mata ng estado ng mga panginoong may-alipin. Sa ganitong sistema, wala ring makitang imoral ang mga panginoong may-alipin. Paramihan pa nga ng alipin. Ito’y hindi lang dahil may permiso ng estado. Ang isang bagay na imoral ay isang bagay na masama. Paano, kung gayon, mamasamain ng panginoong may-alipin ang magmay-ari ng alipin kung ang sistemang ito’y nakabubuti sa kanyang interes? Ang sistemang ito ay masama sa masang alipin. Pero kailan nangyari sa kasaysayan na ang mga inaalipin ang nagtatakda ng moralidad sa lipunan? Dahil ang mga naghahari sa lipunan ang nagtatakda ng istandard ng moralidad, nangyayari pa ngang pati mga alipin ay nahuhubog ang isip sa ganitong moralidad. Hanggang sa isang panahon, ay nakukumbinsi nila ang kanilang sarili, na tanggapin ang "guhit ng tadhana".

Ngunit hindi ba pwedeng ang "kabutihang-loob" ng tao ang sana’y nangibabaw noon para napigilan ang ganitong "kasamaan" sa kasaysayan?

Kung ang "kabutihan" at "kasamaan" ay magkasabay na umiiral sa kalooban ng tao bilang "naturalesa", bakit nangyaring sa 10,000 taon ng kasaysayan ng sibilisasyon, ay laging mapang-alipin ang naghaharing sistema ng lipunan? Kahit tsamba ay hindi umiral ang sistemang ang naghahari ay "kabutihan" at hindi "kasamaan". Paanong nangyaring may iisang padron at porma ang pag-unlad ng pang-aalipin kahit saang dako ng daigdig? Mula sistemang alipin ay naging sistemang pyudal, at mula sistemang pyudal ay umunlad ang kapitalistang sistema.

Ito’y dahil iisa ang "mikrobyo" ng pagsasamantala – ang pribadong pag-aari. Ang mga sistemang alipin, pyudal at kapitalista ay mga adaptasyon lang ng "mikrobyong" ito sa natural na pag-unlad ng mga sistema ng produksyon ng lipunan.

Kapag sa landas ng moralidad sinunson ang eksplinasyon sa pang-aalipin sa lipunan, wala tayong ibang kababagsakan kundi ito’y kagagawan ng demonyo. Ang problema ay bakit pilit nating hinahanap sa isang bagay na abstrakto at ispiritwal ang eksplinasyon sa pang-aalipin gayong napakalinaw ng kongkreto at materyal na katibayan kung saan ito nagmumula – hindi sa kalooban ng tao kundi sa kalikasan ng lipunan.

Pero hindi ba gawa rin ng tao ang kanyang lipunan? Kung masama ang lipunan, hindi ba ibig sabihin ay masama ang tao?

Ang lipunan ay gawa ng tao Pero hindi niya ito ginagawa nang ayon lang sa kanyang kagustuhan. Hindi itinatayo ang isang partikular na sistema dahil ito ang kanyang kursunada. Tao ang gumagawa ng kasaysayan. Pero mayroon siyang mga obhetibo o materyal na kondisyong ginagalawan na siyang magtatakda ng hangganan ng kanyang igagalaw at mararating.

Noong antigong panahon, hindi pwedeng itayo, o maisip man lang, ang kapitalistang sistema ng produksyon dahil hindi pa umiiral nang panahong iyon ang mga kondisyon para sa paglitaw ng ganitong sistema. Kahit ang pyudal na kaayusan ay hindi uubrang kusang tumubo sa guho ng komunal na lipunan at laktwan ang sistemang alipin. Pwede itong maging imposisyon mula sa labas – sakupin ng isang pyudal na pwersa ang mga lugar na nasa primitibong panahon pa ng komunal na pag-unlad. Pero di uubrang mula sa komunal na paggawa ay natural na tumubo ang pyudal na paggawa. Ito’y sapagkat ang susunod na hakbang mula sa kolektibong pag-aari ay gawin itong pribadong pag-aari, at di maiiwasang dumaan ito sa aliping paggawa para makarating sa porma ng pyudal na pag-aari.

Ang akumulasyon ng pribadong pag-aari para sa porma ng pyudal na relasyon ay obligadong dumaan muna sa sistema ng aliping paggawa dahil tanging sa ganitong paraan maiipon ang malalawak na lupain sa kamay ng uring panginoong maylupa. Sa madaling salita, ang mga sistema ng lipunang dinaanan ng tao sa pag-unlad ng kanyang mga gamit at pwersa sa produksyon ay mga lipunang kanyang sadyang itinayo pero hindi dahil ito ang kanyang pinili at kursunada kundi ito ang itinakda ng kanyang istorikal na sirkumstansya.

Noong panahong sumisibol pa lang ang Kristyanismo sa pusod ng sinaunang sistemang aliping ng Imperyong Romano, nangangaral ng pagkakapantay-pantay ng tao ang unang mga Kristyano na biktima ng persekusyon ng mga paganong tulad ni Pontio Pilato. Ngunit nakabatay ito hindi sa isang pangarap o prediksyon ng isang abanteng lipunan kundi sa sentimental na alaala o kolektibong memorya ng isang nakalipas na panahon – ang primitibong komunal.

Pero ang andar ng kasaysayan ay paabante, hindi paatras. Nang magiba ang sistemang alipin sa pagsiklab ng rebelyon ng masang alipin, hindi bumalik ang tao sa primitibong kaayusan. Ang humalili ay ang sistemang pyudal na ang istandard ng moralidad, pati sng sistema ng produksyon, ay binasbasan ng Katolisismo.

Sa ganitong batayan, tinatapos natin ang usapin ng moralidad sa pagtatayo ng tao ng kanyang lipunan sapagkat itinatayo niya ito hindi batay sa kanyang kagustuhan kundi batay sa kanyang kalagayan – at ang istandard ng moralidad ay inaayon niya sa itsura ng lipunang kanyang ginagalawan. Totoong ang namumukod na "naturalesa" ng tao ay ang kanyang pagiging "rasyunal". Pero ang kaalaman ng tao ay obligadong magsimula sa inaabot na pag-unlad ng lipunan, at mula dito, ay umaabante ang karunungang ibayong nagpapaunlad sa tao.

"Rasyunal" Sa Likod Ng "Trahedya" ng Progreso

Kung, una, ang ebolusyon ng lipunan ng tao ay hindi moralidad kundi nesesidad ang nagtatakda, at ikalawa, kung ang pribadong pag-aari at makauring pang-aalipin ay lumitaw batay sa nesesidad ng pag-unlad ng produksyon, ibig bang sabihin, ay darating rin ang kalagayan na ito’y obligadong pumanaw gaya ng ito’y obligadong lumitaw sa isang yugto ng kasaysayan?

Kung punong-puno man ng "trahedya" ang landas ng progreso, may mababakas ring "rasyunal" ang nilalandas nito. Nagsimula ang tao ng hubad at salat, pero nabuhay sa "makataong" paraan – kung ang kahulugan ng pagiging "makatao" ay ang pantay na karapatan at sama-samang pamumuhay nang walang pagsasamantala at pang-aalipin sa kapwa. Pero nasaan ang pagiging "makatao" nito kung ang pamumuhay ng primitibong tao ay bahagya lang nakakaangat sa karaniwang hayop dahil sa kasalatan sa materyal na nesesidad sa buhay? Dahil salat sa mga nesesidad na ito, naobliga ang tao na paunlarin ang kanyang paggawa, na ang ibig sabihin, ay paunlarin ang kanyang sistema ng produksyon.

Nang umunlad ang kanyang paggawa, ang mga instrumentong naging behikulo ng progreso ay ginawa niyang pribadong pag-aari, at kasabay halos nito, ay ginawang instrumento ng pang-aalipin. Sa pag-abante ng sibilisasyon, naging "makahayop" ang relasyon ng tao sa lipunan – kung ang kahulugan ng pagiging "makahayop" ay ang pagiging mapang-alipin at mapagsamantala, ang pagyaman ng iilan sa paggawa ng nakararami. Pero ang pang-aaliping ito ng mga uring mapagsamantala, at ang pakikibaka laban dito ng mga uring inaalipin ang siya mismong nag-uudyok at gumagatong sa progreso, sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon, sa patuloy na pagsulong at pagbabago ng lipunan.

Sa isang banda, pinipiga ng mga uring mapang-alipin ang kapasidad sa produksyon ng mga uring inaalipin, at ito’y nagbubunga ng progreso. Sa kabilang banda, kapag umaabot sa kasukdulan, naghihimagsik ang mga inaalipin at naghahangad ng pagbabago, at progreso rin ang obhetibo o ultimong tinutungo ng ganitong pagbabago.

Sa kaparaanang ito, sumulong ang lipunan ng tao – ang komunal na paggawa ay pinalitan ng aliping paggawa. Ang aliping-paggawa ay sumulong patungo sa pyudal na paggawa. Hanggang sa abutin nito ang modernong panahon ng sahurang-paggawa sa ilalim ng kapitalismo. Nananatiling mapang-alipin ang lipunan sa kabila ng mga pagbabagong ito sapagkat nananatiling pribadong pag-aari ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan.

Ang Susunod na Kabanata

Ang saligang usapin ngayon ay ano ang susunod na kabanata ng pag-unlad ng kasaysayan? Sa panahong ito ng modernong lipunan, hindi pa ba kumakatok ang tao sa ultimong desitinasyon ng kanyang kasaysayan? Sa pagkakaimbento ng makabagong makinarya, at sa isinulong nito sa nagdaang mga siglo’t dekada, hindi ba nakamit na ng modernong tao ang dapat na orihinal na layunin ng paggawa at paggamit ng mga instrumento sa produksyon ng primitibong tao na siyang dapat ay maging ultimong layunin nito – ang mapaginhawa at mapaunlad ang buhay sa lipunan?

Kung ang dating komunal na pag-aari ay obligadong dumaan sa pagiging pribadong instrumento ng pagsasamantala upang marating ang kasalukuyang abanteng antas ng produktubidad, hindi pa ba sapat ang nakalipas na10,000 taon ng pagiging pribado nito para tapusin na ang ganitong klaseng sistemang pinag-uugatan ng kahirapan at pang-aalipin?

Hindi pa ba inaabot ang kalagayang nakamit na ang antas ng progreso at sibilisasyon na pwede nang mabuhay ng masagana, panatag at may dignidad ang bawat tao sa mundo? Hindi pa ba panahong "bumalik" na ang tao sa kanyang pinagsimulan – sa komunal na pamumuhay? Pero sa pagkakataong ito, hindi sa batayan ng iskarsidad ng primitibong paggawa, kundi sa batayan ng prosperidad ng modernong produksyon.

Ang katangian ng modernong produksyon ay "bumalik" na sa anyo ng "sosyalisadong produksyon" – ang modernong bersyon ng "komunal" na paggawa. Ang modernong kalakal ay produkto na muli ng koletibong paggawa. Ang saligang ipinag-iiba nito ngayon ay hindi lang sa tindi ng produktubidad, kundi kumpara sa primitibong panahon, ito ay ang pribadong pag-angkin sa produkto ng komunal na paggawa ng buong lipunan. Ang mga pangarap ng unang mga Kristyano sa panahon ng rebelyon laban sa sinaunang sistema ng pang-aalipin – ang ideya ng pagkakapantay-pantay – ay pwede nang matupad ngunit hindi sa batayan ng pagbalik sa primitibong produksyon kundi sa pagsulong ng modernong industriya.

Nagsimula ang pribadong pag-aari nang makawala ang tao sa komunal na paggawa dahil sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon. Ngayong bumalik na ang tao sa kolektibong paggawa, hindi ba’t nararapat lang na bumalik na rin ang tao sa kolektibong pag-aari ng mga instrumento ng kanyang ikabubuhay?

Kung sumapit na ang tao sa ganitong antas ng pag-unlad – ang kakayahang puksain ang paghihikahos ng mayorya at wakasan ang pang-aalipin sa lipunan – ang usapin ng pribadong pag-aari bilang ugat ng ganitong salot ay nagtatapos na rin bilang simpleng usapin ng nesesidad, at dapat nang itanghal bilang usapin ng etika at moralidad, ng tama at mali, ng masama at mabuti. Ang panlipunang progreso ay obligado nang maging usapin ng hustisyang panlipunan.

1 komento:

  1. Casinos & Gaming Locations - JTM Hub
    Your 하남 출장안마 one stop shop for the best casino gaming in 동두천 출장샵 Find over 3,000 slot 경주 출장마사지 machines, 순천 출장샵 60 태백 출장안마 table games, and the newest addition to the lineup for the Casino

    TumugonBurahin