IX. Abolisyon ng Pagsasamantala

IX. ABOLISYON NG PAGSASAMANTALA

SINO mang naghahangad na totohanang lutasin ang problema ng kahirapan ay dapat aralin ang pinag-uugatan nito. Ang kahirapan ay gaya ng anumang malubhang sakit na hindi makukuha sa patapal-tapal o padasal-dasal. Ang epidemyang ito ay kailangang sugpuin sa kanyang pinanggagalinganu Bunutin sa kanyang pinag-uugatan.

Hangga’t ang mga kagamitan sa produksyon at ikabubuhay ng lipunan ay pribadong pag-aari ng iilan, patuloy lang na kakamkamin ng mga may-ari nito ang kalakhan ng yamang likha ng lipunan at ipagkakait ito sa karamihan.

Hangga’t ang mga kagamitan sa ikabubuhay at ikauunlad ng lipunan ay ginagamit na instrumento ng pagsasamantala imbes na simpleng instrumento sa produksyon, mananatili at patuloy na lulubha ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon.

Hangga’t ang bawat lipunan at ang buong daigdig ay pinaghaharian ng uring kapitalista at ng imperyalistang kapital – ang progreso ay hindi mauuwi sa pagginhawa ng tao kundi sa paglago ng pribadong yaman at pagdami ng mahirap.

Ang pagkakaimbento ng modernong makinarya ang nagbibigay ng pagkakataon sa tao na pawiin ang kahirapan at pang-aalipin sa lipunan. Narating na ng syensya’t teknolohiya ang halos walang hanggang kapasidad para sa produksyon ng mga pangangailangan ng lahat para sa komportableng pamumuhay.

Sobra-sobra na ang kapasidad ng paggawa at ng mga instrumento nito para maging masagana ang pamumuhay ng lahat at hindi lang ng ilan. Ang hangganan ng kapasidad na ito ay ang limitadong suplay ng likas na yaman mula sa Kalikasan. Ang problema, may peligrong maubos at masagad ang likas na yamang ito ng daigdig sa pagtustos sa kahayukan sa tubo at luho ng kapitalismo nang hindi man lang nakakatikim nang kaunlaran at kaginhawahan ang mayorya ng populasyon ng mundo.

Pumapasok na ang daigdig sa isang sitwasyong nanganganib nang masagad ang mga kagubatan, karagatan, kalupaan, at pati ang kalangitan. Walang kasing pakundangan kung huthutin ito ng kapitalismo sa nagdaang mga dekada sa hibang na kahayukan sa tubo at luho. Hindi man lang inalala ang susunod na henerasyon na mga tao na gagamit nito. Ang polyusyong ibinubuga ng modernong industriya ay kumakatok na sa kritikal na proporsyong. Kapag umabot sa kasukdulan, baka hindi na mabawi ng tao ang pagkasira ng ekolohiya ng mundo (Box).

Isang siglo lang ng kapitalistang industriya ay halos masagad na ang Kalikasan na ilang milyong taong sumustena sa mga nesesidad ng tao. Pero ang nagpasasa ay maliit na porsyento lang ng lipunan. Ipinagkait sa mayorya ang benepisyo sa likas na yaman ng mundo. Hindi lang ang paggawa ang pinipiga ng kapitalismo sa matinding pagsasamantala. Pati ang Kalikasan ay sinasagad. Kung ang ina ng yaman sa mundo ay ang Kalikasan at ang ama ay ang Paggawa, ang abusadong anak nila ay ang Kapital.

Nesesidad ang nagtakda ng paglitaw ng pribadong pag-aari. Nesesidad rin ang nagtatakda sa abolisyon nito. Ang nesesidad na ito ay ang pangangailangang puksain ang salot ng kahirapang gawa ng pribadong pag-aari. Kung dati’y ang pribadadong pag-aari ay isang nesesidad para umandar ang progreso – at dati’y ang lipas na mga anyo nito ng panlipunang pag-iral ang nagiging sagabal sa progreso – ngayon, ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon – sa anumang porma nito – ang siya na mismong nagiging sagabal sa ibayong pagsulong ng tao.

Lumitaw na sa entablado ng kasaysayan ang instrumentong tumutugon sa nesesidad ng abolisyon ng paghihikahos sa mundo – ang modernong makinarya – at gayundin ang pwersang aktwal na humahawak ng mga instrumentong ito – ang uring manggagawa. Ang saligang problema’y hawak man ng mga manggagawa ang instrumentong ito ng unibersal na progreso, ito’y pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Dahil inaangkin pribadong pag-aari ng uring kapitalista – anuman ang produktubidad ng masang anakpawis sa paggamit ng mga instrumento ito sa proseso ng paggawa – ang bulto ng benepisyo ay hindi para sa buong lipunan kundi sa mga nagmamay-ari ng ikabubuhay at ikauunlad ng tao.

Umunlad sa ganitong antas ang produktubidad ng paggawa sa lipunan dahil sa paglitaw ng uring kapitalista. Ngayong narating na ng mundo ang ganitong antas ng modernong produksyon, dapat nang mawala ang uring ito sa ibabaw ng lipunan. Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista. Pero hindi ito mabubuhay kung walang manggagawa. Tapos na ang kabuluhan sa kasaysayan ng mga panginoong maykapital gaya nang obligadong mawala sa tuktok ng lipunan ang mga panginoong may-alipin at maylupa nang abutan ng pagsulong ang kanilang mga antigong sistema ng lipunan.

Ang papel ng uring kapitalista sa kasaysayan ay paunlarin ang mga kagamitan sa produksyon ng lipunan sa antas na inabot nito sa kasalukuyan. At mahusay niya itong nagamapanan. Pero wala sa kanyang kalikasan – sa kanyang pagiging kapitalista – ang gamitin ang mga instrumentong ito ng progreso para umunlad at guminhawa ang buhay ng tao sa mundo. Insidental para sa kanya ang pangangailangan ng tao. Ang esensal, bilang may-ari ng kapital, ay ang produksyon at akumulasyon ng tubo.

Totoo, tinutugunan ng uring kapitalista ang samu’t saring pangangailangan ng tao. May kabuluhan sa lipunan ang kanyang mga produkto. Syempre, kung walang saysay, walang bibili at hindi siya tutubo.. Gumagawa pa nga siya ng artipisyal na mga pangangailangan sa pamamagitan ng adbertisment. Pero ginagawa niya ang mga produktong tumutugon sa mga pangangailangan ng tao para tumubo. Hindi ang magbigay ng serbisyo sa lipunan. Ang serbisyo ng mga produkto ng kapitalistang pabrika ay insidental na epekto ng pagnenegosyo. Hindi ito ang ultimong intensyon ng kapitalistang produksyon. Ang motibo at tanging motibo, ay tubo at walang iba kundi tubo. Ang simpleng-simpleng katotohanan ay hindi magnenegosyo ang isang kapitalista kung hindi siya tutubo. Obligadong palaguin niya nang todo-todo ang tubo, kahit sino ang maperwisyo, dahil sa kalikasan ng kapitalismo.*

Bilang kapitalista, ang makinarya ay instrumento ng negosyo, hindi simpleng intrumento ng progreso. Bilang instrumento ng negosyo, ibig sabihin, ito’y intrumento ng tubo. Bilang instrumento ng tubo, ibig sabihin, ito’y intrumento ng pagsasamantala dahil ang tubo sa produksyon ay malilikha lang sa pagsasamantala ng kapital sa paggawa. At bilang instrumento ng pagsasamantala, ibig sabihin, kailanman ay hindi ito magiging instrumento para sa abolisyon ng kahirapan at pang-aalipin, hangga’t nananatiling pribadong pag-aari ng uring kapitalista.

Pero wala sa kalikasan ng makinarya ang pagiging pribadong pag-aari at wala rin sa kalikasan ng paggawa ang pagiging kalakal. Ito’y nasa kalikasan ng lipunang umiiral, ng sistemang kapitalista, ng relasyon sa produksyon ng kapitalista at manggagawa. Ibig sabihin, ang problema ay wala sa intrumento ng produksyon at pwersa ng produksyon, kundi nasa relasyon sa produksyon – ang kapitalistang relasyon ng mga tao sa lipunan.

Ang pribadong pag-aari ay isang relasyong panlipunan. Hindi ito isang bagay na pisikal na umiiral sa loob ng mga bagay. Wala sa kalikasan ng mga puno sa gubat ang sila’y maging pag-aari ng sinuman. Pero nang itakda ng batas ng lipunan na ang mga puno sa 100,000 ektarya ng kagubatan ay konsesyon ng isang tao, ang milyun-milyong punong ito na dati’y walang may-ari ay naging pribadong pag-aari ng isang indibidwal. Kung binayaran man ang konsesyon, walang kinalaman sa transaksyong ito, kahit bahagya, ang batas ng kalikasan. Ito ay gawa ng batas ng lipunan na gawa ng tao.

Ganito rin ang bilyun-bilyong piraso ng mga produktong nililikha ng lipunan sa kapitalistang sistema ng produksyon. Wala rin sa kalikasan ng bawat pirasong ito ang pagiging pribadong-pag-aari ninuman. Ang bawat modernong kalakal ay produkto ng buong lipunan, ng sama-sama at sari-saring paggawa ng tao sa iba’t ibang lugar. Pero lahat ng produktong ito ay pribadong pag-aari ng indibidwal na mga kapitalista dahil – ayon sa batas ng kapitalistang lipunan – kung sino ang may-ari ng kapital ay siya ang may-ari ng produkto at ng tubo sa pagbebenta nito.

Ang kapital, sa madaling salita, ay kumakatawan sa isang relasyong panlipunan sapagkat ito ay isang porma ng pag-iral ng pribadong pag-aari – ang prinsipal na porma ng pag-iral ng pribadong pag-aari sa lipunang kapitalista.

Ang kapital ay binubuo ng instrumento sa produksyon, ng hilaw na materyales at ng lakas-paggawa, at sa dulo ng produksyon – ang surplas, ang tubo -- at bawat isa ay ginagawang pribadong pag-aari ng uring kapitalista. Kung ang pribadong pag-aari ay isang klase ng relasyong panlipunan na hindi naman talaga umiiral sa loob ng mga bagay – at ang kapital ang prinsipal na porma ng pag-iral ng pribadong pag-aaring ito sa kapitalistang sistema – ibig sabihin, ang mismong kapital ay isang klase ng relasyong panlipunan, ang dominanteng relasyon sa araw-araw na buhay ng mga tao. Sa kapital nakadeposito ang mapagsamantalang relasyon ng tao sa modenong kaayusan.

Ang pag-iral ng kapital – bilang porma ng pribadong pag-aari o bilang relasyong panlipunan – ay hindi isang bagay na "natural" sa lahat ng lipunan. Lumitaw lang ito sa nakalipas na 500 taon, samantalang humigit-kumulang, ay 10,000 taon na ang nakakaraan mula nang lumitaw ang unang porma ng pribadong pag-aari sa anyo ng sistemang alipin. Ibig sabihin, kung ang kapitalismo ay may pinagsimulan, ito ay mayroon ring katapusan gaya ng naunang mga sistemang dinaanan ng pag-unlad ng kasaysayan patungong kapitalismo.

Ngunit ang mga mapang-aliping sistemang pinaglilipasan ng kasaysayan ay hindi kusang naglalaho. Ito’y ibinabagsak! Ibinabagsak ng mga produktibong pwersang sinasagkaan at sinasakal ang pag-unlad ng naghaharing mga relasyong panlipunan. Ito ang kasalukuyang kalagayan ng uring manggagawa at masang anakpawis. Ang karapatang umunlad ng mga taong siyang nagpapagod at nagpapawis sa lipunan ay sinasagkaan ng umiiral na sistemang ang yamang likha ng marami ay kinakamkam ng iilan.

Ang dahilan ng kawalan ng pag-unlad ay hindi sapagkat hindi produktibo ang mga manggagawa, at lalong hindi rin sapagkat hindi produktibo ang mga instrumento ng paggawa. Sobra-sobra na nga ang produktubidad. Ang tunay na ekplikasyon sa paghihikahos ay dahil ginagamit ang paggawa at ang mga instrumento ng paggawa hindi para sa pag-unlad ng buong lipunan kundi para sa tubo at luho ng iilan, sa hindi masaid na kahayukan sa kayamanan ng mga panginoong maykapital..

Ang magkakaibang sekta ng relihiyon ay laging nangangaral laban sa kasakiman at iniuugnay nila ang pagkasugapa sa bisyong ito ng tao sa pagmamay-ari ng mga materyal na posesyon sa lipunan.

Ayon sa Hinduismo: "Kung nasa iyo na ang regalo ng pagiging kontento, nasa iyo na ang lahat." Sabi naman ng Islam: "Ang kayamanan ay hindi mula sa dami ng materyal na bagay, kundi mula sa kontentong pakiramdam." Dagdag naman ng Taoismo: "Siya na nakakaalam na mayroon siyang sapat, ay mayaman". Ang turo naman ng Confucianismo: "Ang kasaganahan at kasalatan ay kapwa may sala." Sa Buddhismo: "Sa kahayukan sa yaman, sinisira ng isang hangal na tao ang kanyang sarili na parang ang kanyang sarili ang kanyang kaaway." At ang babala ng Kristyanismo: "Bantayan mo ang lahat ng uri ng kasakiman: ang buhay ng isang tao ay hindi sa dami ng kanyang pag-aari. "

Ang pundamental na usapin ay makokontento ba ang uring kapitalista sa kinakamal nitong tubo? Mayroon bang antas ng satispaksyon ang akumulasyon ng kapital para magkaroon ng kontentong pakiramdam ang may-ari nito? Hindi pa sapat ang isang trilyong dolyar para sa 225 na pinakamayayamang tao sa mundo para tumitigil na sila sa pagpapayaman?

Kahit araw-araw na magsimba ang isang kapitalista hindi niya maaring ihalo ang Kristyanong moralidad sa malupit na batas ng kapitalismo ng akumulasyon ng kapital at kapitalistang kompetisyon.. Hindi niya maaring kaawaan ang kanyang manggagawa dahil hindi maaawa sa kanya ang kanyang kapitalistang karibal. Laluna sa panahong ito ng globalisasyon na walang patawad sa walang-pakundangang kompetisyon. Pataaasan ng produktubidad, pamurahan ng paggawa. At para mapamura ang paggawa, wasakin ang mga unyon, supilin ang mga karapatan, bawiin ang mga benepisyo, itigil ang mga umento, bawasan ang mga empleyado, at paunlarin ang mekanisasyon.

Hindi ba pwedeng magkaroon ng "maginoong kasunduan" ang lahat ng kapitalista na huwag nilang idamay sa kanilang kompetisyon ang uring manggagawa, huwag ipitin ang uring manggagawa sa banggaan ng magkakaribal na kapital? Kapag ito ang hiniling natin sa kapitalustang sistema, para na rin nating hiniling na itigil ang kapitalismo.

Ang kaluluwa ng kapitalismo ay ang akumulasyon ng kapital at ang akumulasyon ito ay magaganap lang sa pagpapalago ng tubo. At obligadong walang tigil ang akumulasyon dahil ginagatungan ito ng kapitalistang kompetisyon. Dahil sa batas na ito ng akumulasyon, imposibleng marating ng kapitalismo ang isang antas ng satispaksyon. At habang umiigting ang kapitalistang kompetisyon, ang tunguhin ay pabagsak ang proporsyon ng tubo sa inilalargang kapital kaya’t obligadong pigain ang lakas-paggawa, pamurahin ang paggawa, upang mamintina at mapalaki ang tubo.

Kung hindi sa pamurahan ng paggawa, paano maglalaban ang mga kapitalista? Kung sasabihing pahusayan na lang ng makinarya, ang problema’y ang ibig sabihin mismo nito ay pamurahan ng paggawa. Ang modernisasyon ng makinarya ang mismong instrumento para patindihin ang pagsasamantala at pang-aapi sa uring manggagawa. Pero ang pagbaling sa mekanisasyon sa tulak ng kompetisyon, ang siya ring nagpapabagsak sa proporsyon ng tubo sa inilalargang kapital.

Buhul-buhol ang kapitalismo sa sariling panloob na kontradiksyon at walang ibang solusyon sa kontradiksyong ito kundi ang abolisyon ng kapitalismo. Ang pundamental na kontradiksyon sa pagitan ng kapital at paggawa ay malulutas lang sa abolisyon ng pribadong pag-aari. Mawawala ang kontradiksyon sa paggamit ng makinarya sa lipunan kung ititigil ang paggamit sa instrumentong ito ng produksyon at progreso bilang instrumento ng pagsasamantala at pambubusabos.

Malulutas ang paghihikahos sa lipunan kapag lumaya ang masang anakpawis sa sistema ng sahurang pang-aalipin. Kung ang rebolusyon sa sistema ng produksyon ng lipunan ay naganap sa introduksyon at aplikasyon ng modernong makinarya, ang rebolusyon para sa tunay na progreso at hustiyang panlipunan ay magaganap kapag ang mga makinaryang ito ng pagsulong ay naging komunal na pag-aari ng buong lipunan at hindi ng iilang mapang-aliping uri.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento