V. Sobrang Kayamanan, Sobrang Kahirapan

V. SOBRANG KAYAMANAN, SOBRANG KAHIRAPAN

PATAPOS na ang kasalukuyang siglo – sandaang taon ng walang kaparis na pagsulong ng ekonomya ng daigdig. Ang pagdagsa ng modernong mga bagay na istandard ngayon ng komportableng pamumuhay ay lumitaw lang sa huling siglo ng papatapos na milenyo, laluna sa huling 50 taon nito.

Marami sa sopistikadong mga produkto* ng modernong lipunan ay di inakala, kahit sa imahinasyon, na maiimbento o mapoprodyus ng tao sa maiksing panahon ng 50 taon. Ito’y kung iisipin na inabot ng daan-daang libong taon para lang lampasan ng primitibong tao ang pamumuhay sa kweba at gubat, bitbit ang simpleng palakol na bato.

10 Taon Katumbas Ng 10,000 Taon

Mula sa halos $5 trilyon noong 1950, ang produksyon ng mundo ay lumago sa $29 trilyon noong 1997 – lumaki nang halos anim na beses. Ibig sabihin, ang buong produksyon ng modernong daigdig sa bawat 10 taon mula 1950 ay mas malaki pa sa buong produksyon ng sangkatauhan sa nakalipas na 10,000 taon mula nang matuto ang tao ng agrikultura at umusad ang sibililisasyon.

Ganito na ang inasenso ng produktubidad ng tao! Ang buong produksyon ng modernong mundo sa loob lang ng 50 taon ay anim na beses na mas malaki kaysa kabuuang produksyon sa nakalipas na 7 milyong taon mula nang umangat ang tao sa antas ng ordinaryong hayop. Ganito na ang inasenso ng modernong daigdig, pero bakit hikahos at miserable pa rin ang buhay ng mayorya ng tao? Nasaan ang kayamanang likha ng lipunan?

Nasaan Ang Kayamanan ng Mundo?

Ayon sa Forbes Magazine (1998), ang kabuuang ari-arian ng 225 na pinakamayayamang tao sa mundo ay lampas na sa $1 trilyon.

Anong klaseng sistema ito na ang kayamanan ng 225 na tao sa daigdig ay katumbas ng kabuuang taunang kita ng 2,500,000,000 na tao sa buong mundo? Ang pinakamayaman ay ang Amerikanong si Bill Gates. Bakit may isang tao sa planetang ito na naliligo sa yamang umaabot sa $90 bilyon habang ang 1,300,000,000 tao ay hindi man lang kumikita ng katumbas ng halaga ng 1 dolyar isang araw o ang kalahati ng populasyon ng buong mundo – 3,000,000,000 tao – ay hindi man lang kumikita ng katumbas ng 2 dolyar isang araw.

Sino ang Nagpapasasa?

Kung anu-anong modernong aparato ang inimbento para maging komportable ang buhay sa lipunan. Umabot na sa 500,000 milyon ang produksyon ng kotse. Pero hanggang ngayon, 2 bilyong tao ang wala man lang kuryente sa bahay. Ang konsumpsyon sa komersyal na enerhiya ng 20% ng pinakamayaman sa daigdig ay nasa 57% samantalang ang konsumpsyon ng mahigit sa isang bilyong tao ay nasa 4% lang ng kabuuang produksyon ng enerhiyang ito.

Panahon pa ng antigong lipunan nang maibento ang pagsusulat at pagbabasa. Kinukonsumo ng industriyal na mga bansa ang 84% ng kabuuang produksyon ng papel sa mundo. Pero sa panahong ito ng "Information Revolution", isang bilyong tao ang illiterate. Halos 900 milyong bata ang di umaabot ng grade 5 sa iskwelahan. Kahit sa mga bansang industriyal, ___ milyong ang nasa kategoryang mababang antas ng literacy.*

Naliligo ang mundo sa Coca Cola at Pepsi Cola na ang pinagsamang benta ay nasa $_____ bilyon. Pero hanggang ngayon, mahigit 30% ng 4.4 bilyon na tao sa mahihirap na bansa ay walang iniinom na malinis na tubig. Walang kaparis ang isinulong ng medisina. Ang gastos sa kulusugan ng mga bansang industriyal ay umaabot sa halagang $____ bilyon. Pero mahigit sa isang bilyong tao sa mahihirap na bansa ang di nakakatikim ng modernong serbisyong pangkalusugan. Taun-taon ay 17 milyon ang namamatay sa dapat ay nagagamot nang mga sakit na gaya ng tuberculosis, diarrhea, measles, malaria, atbp.

Tuloy-tuloy ang paglago ng produksyon ng pagkain sa buong mundo. Ang butil ay nasa 866 milyong tonelada. Ang karne ay 199 milyong tonelada. Ang isda ay 116 milyong tonelada. Pero ang kumukonsumo sa ___% ng produksyon ng pagkain ng mundo ay 20% lang ng pinakamayayamang habang ___% ang natitira para sa pinakamahihirap na 20% ng populasyon. Dahil sa kapos sa tamang pagkain, 3.6 bilyon na tao ang may iron deficiency, 1 bilyon ang kulang sa protina, 2 bilyon ang anemic.

Ang industriya ng konstruksyon ay todo-todo ang inabante sa nagdaang mga dekada. Ang kabuuang produksyon nito ay umaabot na sa $____ trilyon. Pero mahigit sa 1 bilyong tao ay walang maayos na tirahan at walang kasiguruhan ang paninirahan. Sa mahihirap na bansa, 100 milyon ang ganap na walang bahay kahit barong-barong. Ganito rin ang bilang sa mga bansang industriyal. Walang kaparis ang isinulong ng produktubidad sa lipunan at inilalago ng kayamanan sa daigdig. Pero mahigit sa 3 bilyong tao ang walang sapat o tiyak na hanapbuhay.

Di-Pantay na Distribusyon Ng Walang Kapantay Na Produksyon

Maliwanag kung sino ang tumitiba sa progreso. Ayon sa United Nations Development Program (UNDP), ang pinakamayamang 20% ng populasyon ang kumakamkam sa 86% ng pandaigdigang produksyon habang ang pinakamahirap na 20% ng populasyon o mahigit sa 1.2 bilyon na tao ay nagdidildil sa natitirang 1.3%!

Noong 1960, ang karaniwang kita ng pinakamayamang 20% sa mundo ay 30 beses na mas malaki kaysa kita ng pinamahirap na 20%. Pagdating ng 1995, lalong lumaki ang agwat na ito sa kabuhayan – mas malaki ng 82 beses, sa kabila ng lumago ng halos 6 na beses ang produksyon ng daigdig habang ang populasyon ay lumaki lang naman ng ___ beses.

Ang istatistikang ito ay batay sa diperensya sa kita sa pagitan ng mga bansa at hindi pa sa pagitan ng mga indibidwal. Ibig sabihin, ang buong populasyon ng US, pati ang mahihirap na Amerikano, ay kasama sa pinakamayamang 20%. Kapag ang distribusyon ng kita sa daigdig ay kinuwenta batay sa indibidwal na kita imbes na sa kita ng bansa, ang magiging agwat ng karaniwang kita ng 20% ng pinakamayayaman ay mas malaki ng 150 na beses sa karaniwang kita ng 20% ng pinakamahihirap.

Sa sinasabing 20% ng pinakamayayaman sa mundo, kabilang ang 100 milyong taong itinuturing na hikahos sa mga bansang industriyalisado, ang 37 milyon na walang mga trabaho. Sa gitna ng karangyaan ng mga bansang ito, 100 milyon ng kanilang populasyon ay walang bahay na mga palaboy at pulubi.

Mismo sa US – ang sinasabing pinakaabanteng bansa – grabe ang agwat ng kalagayan ng mayaman at mahirap. Ang distribusyon ng yaman sa Amerika ay nilalarawan ng kalagayang 1% lang ng mga pamilya ang kumukontrol sa 59% ng kabuuang yaman nito. Ang 83.1% ng yaman sa US stock market ay pag-aari ng pinakamayamang 10% at ang 37.4% ay pag-aari ng kalahating porsyento (0.5%) lang ng populasyon!

Noong 1978, isa lang ang bilyonaryo sa US. Pagdating ng 1994, dumami ito sa bilang na 120. Mula 1977 hanggang 1989, ang kita ng 1% ng pinakamayayamang pamilya sa US ay tumaas ng 78% habang ang pinakamahirap na 20% ng mga Amerikano ay bumagsak ang kita ng 10.4%.

Ayon sa ulat ng US Census Bureau, ang sahod na tinatanggap ng 18% ng "full-time" na mga manggagawang Amerikano noong 1992 ay hindi sapat para mabuhay ang isang pamilyang may apat na myembro ng lampas sa "official poverty line" na $13,091. Ang bilang na ito ay mas malaki sa dating 12% noong 1979. Sa "full-time" na mga manggagawa sa edad na 18-24, 47% ay sumasahod ng mababa sa poverty line kumpara sa 23% noong 1979. Ang report na ito ay hindi nagbibigay ng tamang larawan ng tunay na bilang ng mahihirap sa US dahil ang kitang $20,000 at hindi $13,091 ang itinuturing ng ibang eksperto na dapat na istandard para mabili ang nesesidad ng isang pamilya sa Amerika.

Dinidiin dito ang deskripsyon na "full-time worker" dahil noong 1993, umaabot na sa 21 milyon ang mga "part-time" ng mga manggagawa sa US na halos ang sankatlo ay gustong maging "full-time" pero walang mapasukan. Marami sa mga "part-timers" na ito ay mga kontraktwal na mga manggagawa. Ang bilang ng mga manggagawang nasa empleyo ng tinanatawag na mga "temp agencies" ay lumago ng 240% sa nakalipas na sampung taon. Noong ___, mayroong 7,000 "temp agencies" sa US na ang pinakamalaki, ang Manpower Inc., ay mayroong 600,000 na kontraktual na manggagawa. Ito na ngayon ang pinakamalaking pribadong employer sa US.

Noong 1989, ang 1% na nasa tuktok ng lipunang Amerikano ay may karaniwang taunang kita na $559,795. Ang pinagsamang kita ng 1% na ito ay mas malaki kaysa kabuuang kinita ng nasa ilalim na 40% ng populasyon ng Amerika. Noong 1960, ang kita ng karaniwang CEO (Chief Executive Officer) ng nangungunang mga kompanya sa US ay mas malaki ng 40 beses sa kita ng karaniwang manggagawang Amerikano. Pagdating ng 1992, ang kanilang sweldo ay mas malaki na ng 157 na ulit kumpara sa sahod ng ordinaryong manggagawa. Noong taong ding ito, isang CEO sa US ay tumanggap ng kompensasyon na $127 milyon bilang pakonswelo sa mahusay takbo ng kompanya. Ito ay mas malaki ng halos 780,000 na beses kumpara sa $163 na taunang kita ng bawat indibidwal na kabilang sa 20% ng pinakamahihirap na tao sa buong daigdig!

Pero "sisiw" pa ang kitang ito ng mga CEO kapag ikinumpara sa tinitiba ng kanilang mga amo. Ang 400 na pinakamayamang tao sa Amerika ay lumago ang pinagsamang yaman sa $328 bilyon noong 1993 mula $92 bilyon noong 1982. Ito’y mas malaki sa pinagsamang kita ng isang bilyong taong naninirahan sa India, Bangladesh, Sri Lanka at Nepal!

Ang $20 milyon na kinita ni Michael Jordan noong 1992 bilang promoter ng sapatos na Nike ay lampas-lampasan sa buong taunang payroll ng mga pabrika sa Indonesia na may gawa ng mga sapatos na ito. Ang por orang bayad sa kababaihan at kabataang Indonesian na gumawa ng mga sapatos na ito ay katumbas ng 15 US cents at ang gastos sa produksyon ay $5.60. Pero ang benta nito sa US o Europe ay na nasa $73 hanggang $135 bawat pares. Noong 1997, lalong lumago ang ari-arian ng mayayamang Amerikano. Sa listahan ng 225 na pinakamayayamang tao, kasama ang 60 Amerikano na may kabuuang yaman na $311 bilyon.

Ang Yaman Ng 225 Ay Sobra-Sobra Para Mapaginhawa ang Mundo

Ayon sa UNDP, ang daigdig ay may sapat na rekurso para guminhawa ang buhay ng lahat ng tao at burahin ang kahirapan sa ibabaw ng planetang ito. Sa tantya nito, ang kailangang adisyunal na taunang imbestment para kamtin ang unibersal na oportunidad sa saligang mga serbisyong panlipunan ay nasa $40 bilyon, o 0.1% ng kita ng mundo. Ito’y wala pa sa kalahati ng kabuuang kayamanan ni Bill Gates o ___ % ng kabuuang yaman ng 225 na pinakamayayaman indibidwal sa mundo!

Sa kwenta ng UNDP, ang adisyunal na taunang kailangan para sa batayang edukasyon ay $6 bilyon. Mas maliit pa ito kaysa inuubos ng US para sa mga kosmetiko na nagkakahalaga ng $8 bilyon! Ang kailangan para sa tubig at sanitasyon ay $9 bilyon. Mas maliit pa ito sa ginugugol para sa ice cream ng mga taga-Europa na nagkakahalaga ng $11 bilyon! Ang kailangan para sa malusog na pangangalaga sa pagbubuntis ay $12 bilyon. Katumbas ito ng ginagastos sa Europe at US para lang sa pabango! Ang kailangan para sa batayang kalusugan at nutrisyon ng mahihirap ay $13 bilyon. Mas maliit pa kaysa ginagastos para sa pet foods sa US at Europe na umaabot sa $17 bilyon!

Ito ang "kababalaghan" at "kabaliwan" ng modernong sistema ng kapitalismo. Bumabaha sa mundo ang mga produktong sukatan ng komportable at modernong pamumuhay. Pero miserable pa rin ang kalagayan ng mayorya ng tao. Kahit simpleng nesesidad ay hindi matugunan. Parang hindi nagbago ang sitwasyon sa nakalipas na panahong atrasado at primitibo pa ang mundo. Iisa ang eksplinasyon sa ganitong istagnasyon ng pamumuhay ng karamihan sa kabila ng lahat ng modernisasyon ng instrumento. Ang kayamanang likha ng marami ay inaangkin ng iilan dahil kanila ang mga kagamitang sa produksyon – sa kabila ng katotohanang ito ay produkto ng paggawa ng buong lipunan, ng lahat ng taong nagtatrabaho.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento