VI. Mekanismo ng Kapitalismo

VI. MEKANISMO NG KAPITALISMO

ANG mineral na hinukay ng mga manggagawa sa Afrika ay gagawing mga makina ng mga manggagawa sa Amerika. Isasakay sa mga barkong gawa ng mga manggagawa sa Europa para dalhin sa India para gamitin sa paghabi ng tela na ang hilaw na materyales ay galing naman sa Canada. At muling isasakay sa barko na gawa naman ng Japan para dalhin sa Pilipinas upang tahiin ng mga manggagawang Pilipino at gawing mga T-shirt na dadalhin naman sa US at iba pang bansa para doon ibenta. Sa presyo ng bawat piraso ng T-shirt na ito ay pumasok ang halaga ng depinidong kantidad ng pandaigdigang paggawang nakonsumo sa produksyon ng T-shirt na "Made in the Philippines". Sa katunayan, ang buong halaga na kinakatawan ng presyo nito ay kumakatawan sa lahat ng paggawang nakapaloob dito.*

Ganito ang larawan ng modernong industriya ng malakihang produksyon. Ang iniluluwal nitong mga kalakal ay produkto ng paggawa ng buong lipunan, ng paggawa ng magkakaibang tao. Hindi lang sa isang pagawaan, kundi sa buong lipunan. Hindi lang sa loob ng isang bansa kundi sa buong daigdig. Hindi maaring angkinin ng isang indibidwal ang produksyon ng modernong kalakal dahil ito’y kolektibong produkto ng iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang lugar.

Produkto ito ng lipunan, ng sangkatauhan pero ginagawang pribadong pag-aari ng ilang indibidwal na ni walang partisipasyon sa aktwal na produksyon. o proseso ng paggawa. Sila ang tinatawag nating mga kapitalista. Ang bilyun-bilyong piraso ng milyun-milyong klase ng mga kalakal na nagkakahalaga ng trilyun-trilyong dolyar na umiikot sa daan-daang mga bansa ay kolektibong paggawa ng ilang bilyong tao pero inaangkin bilang pribadong pag-aari ng maliit na minorya, ng kapiranggot na porsyento ng populasyong nasa tuktok ng modernong kahariang tinatawag na kapitalismo. Nasaan ang moralidad ng ganitong klaseng sistema?

Mas Mapagsamantala Ang Sahurang-Paggawa Kaysa Pwersahang-Paggawa

Ang unang mga aristokrata at asendero ay may mga latigo para hagupitin sa pwersang paggawa ang unang mga henerasyon ng alipin sa lipunan. Ang mga kapitalista ng modernong panahon ay walang ganitong mga hagupit. Pero maiinggit ang mga "dugong bughaw" ng lumang daigdig sa kayamanan ng mga naghaharing uri sa modernong mundo. Walang mga emperor ng unang panahon na nakapagkamal ng yamang katumbas ng pag-aari ngayon ng 225 na pinakamayamang mga kapitalista.

Paanong nagkakamal ng ganito kalaking yaman ang mga taong ito kahit walang pwersahang paggawa? Paano nangyaring naghihikahos pa rin ang mayorya ng populasyon – hindi umasenso sa kabuhayan ng mga alipin ng antigong panahon – gayong pantay na raw ngayon ang mga karapatan ng indibidwal sa sibilisadong lipunan at walang kapantay ang kapasidad sa produksyon ng kapitalismo?

Isang bagay ang hindi nagbago sa antigo at modernong mundo: Ang pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon. Nagbago ang mga kagamitan – ang mga araro ay pinalitan ng mga traktora. Ang de-kamay na mga instrumento ay pinalitan ng awtomatikong makinarya. Pero pribado pa rin ang pagmamay-ari nito. Sa kamay ng paggawa, ito’y instrumento ng progreso. Ngunit bilang bahagi ng kapital, bilang pribadong pag-aari ng mga kapitalista, ito’y nananatiling instrumento ng pagsasamantala at pang-aalipin ng tao sa tao, ng sobrang pagyaman ng ilan sa sobrang paghihirap ng marami.

Ang Tumutubo At Tumitiba Sa Tumataas Na Produktubidad ng Paggawa

Sa pag-unlad ng mga instrumento sa produksyon, ay tumataas ang produktubidad ng paggawa. Ang ibig sabihin ng pagtaas ng produktubidad ay pagdami ng materyal na yamang nalilikha sa bawat oras ng paggawa o ang paggawa ng parehas na dami ng produkto sa mas maikling oras ng paggawa.

Gamitin nating halimbawa ang produksyon ng simpleng karayom noong nagsisimula pa lang ang kapitalismo. Ayon kay Adam Smith – isa sa panakaunang propeta ng kapitalismo – ang sampung manggagawa noong panahon niya ay nakagagawa ng 48,000 karayom sa isang sa isang araw. Nang maging mekanisado ang produksyon ng karayom noong 1860s, ang isang makina ay may kapasidad na yumari ng 145,000 na piraso sa isang araw ng paggawa na noo’y umaabot ng 11 oras. Ang isang babae o batang manggagawa ay kayang humawak noon ng apat na ganitong klaseng makina at nakakagawa ng 600,000 karayom sa isang araw – 3,000,000 sa isang linggo! Ibig sabihin, ang dating produktubidad ng isang manggagawa ay tumaas ng 12,400% nang gamitan ng makina.

Pero tumaas ba ang halaga ng lakas-paggawa, bumuti ba ang kanilang kalagayan sa pagtaas na ito ng produktubidad? Baliktad ang nangyari. Ang dating manggagawang lalaki na bihasa sa lumang paraan ng paggawa ng karayom ay pinalitan ng babae o batang manggagawa na mas mura ang trabaho dahil hindi na skilled labor ang kailangan. Binawasan ang proporsyon ng trabahador kumpara sa nilalargang kapital dahil ang dating trabaho ng 125 na manggagawa ay kaya nang gampanan ng isa! Sino ang tumiba sa ganitong progreso? Walang iba kundi ang kapitalistang may-ari ng mekanisadong pabrika ng karayom!

Pagsilang Ng Kapitalismo Sa Paglitaw Ng Sahurang-Paggawa

Nang magsimula ang kapitalismo, halimbawa sa England, ang unang bansang naging industriyalisado, wala pang mga makina. Nagiging kapitalista ang isang sistema ng produksyon, hindi pa dahil sa paggamit ng makinarya kundi mas ang saligan pang batayan ay ang paggamit ng sahurang-paggawa..

Nang ang lakas-paggawa ng tao ay maging kalakal, ibig sabihin, pwede nang bilhin ng may-ari ng kwarta nang por ora o por araw, nagsimula ang kapitalistang paraan ng produksyon. Ang kapitalismo ay ang transpormasyon at paglago ng kwarta sa anyo ng kapital sa pamamagitan ng pagbili at paggamit ng lakas-paggawa bilang kalakal.

Bago lumitaw ang kapitalistang sistema ng produksyon, ginagamit na ang kwarta bilang "puhunan". Ang isang "merchant" noong unang panahon ay mamimili ng mga kalakal sa isang lugar o sa ibang bansa, pagkatapos ititinda ito sa ibang lugar nang may "patong" ang orihinal na presyo. Ang "patong" na ito ang kanyang "tubo". Sa ganitong simpleng paraan lumalago ang kanyang kwarta – sa pamimili at pagbebenta. Kahit panahon ng antigong sistemang alipin ay mayroon nang ganitong "merchant capital".

Kahit ngayon ang simpleng tindera sa talipapa ay ganito ang sistema – bibili nang mas mura, magbebenta nang mas mahal para tumubo. Pero hindi sa ganitong paraan ang pagtubo ng kapital sa kapitalistang sistema ng produksyon. Kung sa "buy and sell" lang tumutubo ang orihinal na pera ng kapitalista, walang ipag-iiba si Aling Petrang tindera sa talipapa sa Kanong bilyonaryong si Bill Gates.

Kung ang kapitalistang "tubo" ay eksklusibong manggagaling lang sa sirkulasyon ng mga kalakal – sa buy and sell – bakit mamumuhunan pa ang isang may kwarta sa mismong produksyon ng kalakal kung hindi naman pala dito nanggagaling ang tubo kundi sa kalakalan. Kung walang tubo sa aktwal na produksyon ng mga kalakal, at nasa "buy and sell" lang ang tubo, sino pang may kwarta ang mamumuhunan sa produksyon? Maghihintay na lang ang sino mang negosyante sa pamilihan para bumili nang mas "mura" para ibenta ito nang mas "mahal" para tumubo ang kanyang kwarta. Pero kapag walang namuhunan sa produksyon ng mga kalakal, ano ang ipagbibili at ititindang mga kalakal?

Kaibhan ng Kapitalismo Bilang Sistema ng Produksyon

Narito ang distinksyon ng kapitalismo sa naunang mga sistema – ang paglago ng kwarta sa mismong proseso ng produksyon sa pamamagitan ng sahurang-paggawa. Sa naunang mga sistema, ang surplas na produkto ay simpleng kinakamkam ng panginoong maylupa o ng panginoong may-alipin sa uring inaalipin sa pamamagitan ng pwersahang paggawa.

Sa klasikong pyudalismo, ang magsasaka ay simpleng inoobligang bungkalin ang porsyon ng lupa para sa asendero habang ang ani sa isang porsyon ay para sa magsasaka. Nang pabagsak na ang pyudalismo, pinalitan ito ng pormang buwisan. Inoobliga ang magsasakang magbigay sa kanyang amo ng isang porsyon ng kabuuang ani o kaya’y magbayad ng pirmis na kantidad ng ani o salapi bilang upa sa lupa. Sa ilalim naman ng sistemang alipin, ganap na walang karapatan ang alipin sa produkto ng kanyang paggawa. Pero dahil walang saysay na patayin siya sa gutom ng kanyang amo, siya at ang kanyang pamilya ay sinusustentuhan para patuloy na alipinin.

Sa pyudal at aliping mga sistema, ang pag-angkin ng may-ari ng kagamitan sa produksyon ay sa pwersahang paggawa. Pinalalaki ng mapang-alipin o mapang-alilang panginoon ang surplas na produkto sa dalawang paraan: Ang pagpapalawak ng lupain o pagpaparami ng mga alipin, at sa sukdulang pagpiga sa pisikal na hangganan ng pwersahang paggawa.

Imbes na paunlarin ang mga instrumento, mas umasa ang mga lumang sistemang ito sa paghagupit sa masang alipin o magsasaka, at sa ibayong pananakop para maparami ang masasaklaw na mga lupain o mabibihag na mga alipin. Nasa kalikasan mismo ng mga sistemang ito ng produksyon ang umabot sa isang antas ng istagnasyon ang pag-unlad ng mga kagamitan sa produksyon pati ang produktubidad ng mga pwersa sa paggawa. Nang masagad ang kapasidad ng mga instrumento, binalingan ang pagpiga sa pwersahang paggawa na di naglaon ay nagpasiklab sa mga rebelyon at nagpabagsak sa mga antigong sistemang ito.

Ngunit sa mga syudad ng lumang mga sistemang ito, gradual pero sustenadong umunlad ang mga industriyang handicraft at ang produksyon ng mga artisano na nagpapakabihasa sa kanilang ispesyalisadong mga produkto at paggawa. Ito ang mga tagahabi ng tela, tagatahi ng mga damit, gumagawa ng mga sapatos, tagapanday ng mga produktong metal, tagamolde ng mga pottery, gumagawa ng mga simpleng instrumento sa produksyon, at kung anu-ano pang mga produkto at serbisyo na lumitaw sa pag-unlad ng dibisyon ng paggawa sa sinaunang mga lipunan. Patuloy ang kanilang pagpapaunlad ng mga instrumento at materyal sa produksyon ng lumang mga sistema. Sa kanilang mga instrumento at ispesyalisadong paggawa. nagkakaroon ng limitadong aplikasyon ang pag-unlad ng syensya sa anyo ng teknolohiya.

Ang mga instrumentong ito ng sinaunang mga craftsmen at artisano ang sinunggaban ng kapital ng lumitaw ito sa lipunan. Sa pamamagitan ng alipin at pyudal na paggawa, ang isang rekisito ng kapitalismo – ang konsentrasyon ng salapi o yaman sa kamay ng ilang indibidwal – ay maagang naipundar. Sa pamamagitan ng pag-unlad ng gawaing handicraft at artisano, nailatag rin ang kailangang mga kagamitan sa produksyon para sa pagsilang ng kapitalistang sistema.

Paglitaw Sa Mundo Ng Lakas-Paggawa Bilang Kalakal

Ngunit kahit ilang daan o libong taon nang umiiral ang mga sangkap na ito, pinaglilihi at kumikislot lang ang kapitalismo sa sinapupunan ng lumang kaayusan pero hindi tuluyang mailuwal.

Ang konsentradong kwarta ay hindi ganap na matransporma sa kapital at ang mga instrumento ay hindi makonsentra sa pabrika hanggat wala ang isang sangkap – ang mapagpasyang sangkap sa pagsilang ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Ito’y ang istorikal na transpormasyon ng lakas-paggawa bilang kalakal, ang paglitaw ng sahurang-paggawa. Kailangan ang mga sahurang manggagawa dahil sila ang gagawa ng tubo para ang kwarta ay maging kapital sa mismong proseso ng produksyon.

Nagkaroon lang ng sahurang-paggawa kasabay ng paglitaw ang kapitalistang sistema ng produksyon, mga 500 taon na ang nakalilipas.* Dati rati, ang lakas-paggawa ay hindi isang kalakal. Sa sistemang alipin, ang tao ang mismong kalakal hindi lang ang kanyang paggawa. Ang ipinagbibili ay ang tao, ang kabuuan ng kanyang katawan pati ang kanyang pamilya.. Ang alipin mismo ang pag-aari ng kanyang amo, hindi lang ang kanyang kakayahang magtrabaho.

Sa sistemang pyudal naman, hindi rin ipinagbibili ang lakas-paggawa ng magsasaka. Obligasyon niyang magtrabaho para sa kanyang panginoon habang obligasyon naman ng amo na maglaan ng porsyon na mabubungkal ng magsasaka para sa kanyang sariling benepisyo. Hindi man siya pribadong pag-aari ng kanyang among asendero, hindi naman siya pwedeng umalis sa lupaing kanyang binubungkal o magtrabaho para sa ibang amo. Tulad ng kalabaw, siya’y habambuhay na nakasingkaw sa lupa ng asendero – hindi sa pamamagitan ng lubid kundi ng mga dekreto at tradisyon ng pyudalismo.

Hindi rin sahurang-paggawa ang orihinal na sistema ng mga craftsmen o artisano. Sila’y nagtatrabaho ng walang amo dahil kanila ang materyales at instrumento sa produksyon. Ang kanilang mga assistant o apprentice kadalasan ay kanilang kamag-anak at hindi simpleng mga swelduhan na gaya ng mga manggagawa sa pabrika. Nagtatrabaho sila kasama ang master craftsman o punong artisano para matuto at magsanay sa ganitong linya ng ispesyalisadong paggawa upang bandang huli ay magsarili at magtayo ng sariling talyer. Ang mga alok at sulsol ng merchants para "kapitalan" ang kanilang produksyon ay kanilang tinatanggihan. Nilimitahan nila ang merchants sa buy and sell ng kanilang produkto. Mismo ang pagdami ng mga assistant at apprentice ng isang master craftsman o punong artisano ay nilimitahan ng kanilang mga asosasyon para maiwasan ang sila’y mag-agawan at magswapangan sa kani-kanilang mga linya ng industriya o ispesyalisasyon.

Kaya’t hanggang sa isang panahon, hindi lumitaw sa ibabaw ng antigong mga lipunan ang sahurang-paggawa. Ang paggawa ng tao ay nasa anyo ng aliping paggawa, pyudal na paggawa, at indepedyenteng. Walang mabiling lakas-paggawa ang mga may-ari ng kwarta dahil hindi pa ito isang kalakal na "mabibili" at "itinitinda" sa lipunan na gaya sa ngayon na may tinatawag na "labor market" at sobra-sobra ang suplay ng paggawa sa anyo ng mga taong walang trabaho.

Pero nang magsimulang gumuho ang pyudal na kaayusan dahil sa istagnasyon, tumindi ang rebelyon ng mga magsasaka sa sukdulang kahirapan sa kanayunan, tinakasan ang mga asendero at ang naaagnas na mga asyenda. Lumitaw ang seksyon ng populasyon na "pinalaya" ang kanilang sarili sa pyudal na pang-aalila at "lumalaboy" sa mga kalunsuran nang walang ikabubuhay dahil walang anumang ari-arian. Sila ang tinawag na mga "proletaryado", ang klase ng mga tao o seksyon ng populasyon na walang ibang pag-aari, walang ibang posesyon kundi ang kanilang kakayahang magtrabaho, ang kanilang lakas-paggawa. Sila ang orihinal na mga maralitang lungsod ng modernong "sibilisasyon" na lumikas sa sukdulang paghihikahos sa kanayunan para makipagsapalaran sa kalunsuran sa paghahanap ng ikabubuhay.

Nang magtagpo ang aspiranteng mga kapitalista na may-ari ng kwarta at ang proletaryong mga may-ari ng kalakal na lakas-paggawa, isinilang sa liwanag ang bagong sistema ng produksyon – ang sistema ng kapitalismo.

Sa simula’y simpleng tinipon ng unang mga kapitalista sa isang bubong ang orihinal na mga instrumento at materyal sa produksyon ng sinaunang craftsmen at artisano ng pyudal na sistema. Kahit parehas ang mga instrumento, materyales at produkto – at simpleng kinukonsentra lang sa isang bubong ang mas malaking bilang ng mga manggagawa at kasangkapan sa produksyon – agad lumitaw ang superyoridad ng sistemang ito kaysa indepedyenteng paggawa ng maliliit na master craftsmen at artisano. Mula sa simpleng ko-operasyon na ito ay umunlad ang kapitalistang sistema ng manupaktura na mayroon nang dibisyon ng paggawa sa loob ng pagawaan kahit wala pa rin mga modernong makinarya.

Sikreto Ng Kapitalistang Sistema ng Produksyon

Ang panimulang pormang ito ng kapitalistang ko-operasyon sa produksyon – kahit sa simula’y wala pang dibisyon ng paggawa sa loob ng mga pabrika – ay mas produktibo, at samakatwid, mas mura kaysa produkto ng indepedyenteng paggawa ng mga craftsmen at artisano. Mabilis itong lumago dahil sa laki ng tinutubo sa pagpiga sa produktubidad ng lakas-paggawa. Buong-buo, ang tubo ay nanggagaling sa lakas-paggawa, hindi sa mga instrumento o materyales sa produksyon. Narito ang sikreto ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Ang gastos sa materyales, instrumento at pasweldo ay simpleng ipinapasok ng kapitalista sa presyo ng yaring produkto. Kahit hindi patungan o dayain ang presyo ng kanyang produkto, – gaya ng isang trader o merchant – tumutubo pa rin ang kapitalista dahil ang kanyang tubo ay galing sa proseso ng produksyon. Magkano man ang nagastos niya sa hilaw na materyales at instrumento, at kanyang matapat na inilipat ang katumbas na halaga nito sa presyo ng yaring produkto, titiba pa rin ang kapitalista ng limpak-limpak na tubo. Sa paanong paraan?

Ito’y dahil may porsyon ng bawat araw ng paggawa na "libre", may porsyon sa oras ng paggawa ng bawat manggagawa na walang bayad o walang gastos ang kapitalista, at dito nagmumula ang kanyang tubo. Ang libre’t walang bayad na oras ng paggawang ito ang bukal na pinagsasalukan ng kapitalistalistang tubo at siyang "naturalesa" ng kapitalistang sistema ng produksyon.

Bakit natin ito sinasabing libre o walang bayad gayong pinaswelduhan naman ng kapitalista ang manggagawa? Ipagpalagay man na binayaran ang kalakal na lakas-paggawa sa tunay na halaga nito – ang saligang punto ay magkaiba ang "halaga" ng lakas-paggawa sa "halagang" nalilikha nito kapag umandar na ang trabaho. Ang halaga ng isang araw na kakayahang magtrabaho na kinakatawan ng kanyang "presyo" na tinatawag nating "sahod" ay hindi katumbas ng bagong "halagang" kanyang nalilikha sa aktwal na proseso ng pagtatrabaho sa loob ng isang araw ng paggawa.

Kung ang babayaran ng kapitalista ay hindi ang halaga ng kakayahang magtrabaho kundi ang halaga ng aktwal na trabaho – ang resulta ng aktwal na trabaho – hindi lang sa magiging napakataas ng magiging sahod ng manggagawa kundi walang tutubuin ang kapitalista sa mismong produksyon. Kung hindi tutubo ang kapital sa mismong produksyon, hindi magkakaroon ng kapitalismo sa daigdig.

Ang Sahod Bilang Presyo Ng Lakas-Paggawa

Pero hindi ba ito pandaraya? Hindi ito pandaraya kung ang gagamitin nating istandard ay ang sistema ng pagtatakda ng halaga ng mga kalakal sa lipunan. Ang halaga ng mga kalakal ay sinusukat hindi sa kanilang kabuluhan kundi sa nakonsumong oras ng paggawa pati sa ginamit na instrumento at materyales.

Magkakaiba ang kabuluhan ng mga bagay. Kahit ang parehas na bagay ay magkakaiba ang kabuluhan sa magkakaibang tao. Kaya’t hindi pwedeng ang kabuluhan (use-value) ang maging sukatan ng halaga (exchange-value) ng mga kalakal sa lipunan.

Halimbawa, walang kasing-importante ang gulay sa katawan ng tao. Pero ito’y hamak na mas mura kaysa perlas na pang-arte lang sa katawan. Mas mahal ang perlas dahil mas matagal ang artipisyal na pagpapatubo nito sa loob ng talaba o ang paghahanap ng natural na bersyon nito sa ilalim ng dagat. Magkaiba ang kanilang halaga hindi pa dahil magkaiba ang kanilang gamit kundi magkaiba ang kantidad ng paggawang nagamit sa kanilang produksyon. Ito ang tinatawag na oras-paggawa na unibersal na sukatan ng halaga at palitan ng mga kalakal sa lipunan.

Alinsunod sa paraang ito ng determinasyon ng halaga, magkano ang halaga ng lakas-paggawa bilang kalakal? Ang halaga ng ordinaryong lakas-paggawa ay laging kinukwenta kung magkano ang arawang gastos para mabuhay ang karaniwang manggagawa pati ang kanyang pamilya. Gaya ng sinaunang mga alipin, kung papatayin sa gutom ang pamilya ng manggagawa, darating ang panahong mauubos ang lahing ito at walang magpapaandar sa mga pabrika ng uring kapitalista.

Ang produksyon at reproduksyon ng buhay ng manggagawa ang sukatan ng halaga nito dahil ito ang kalakal na pwede lang umiiral lang sa loob ng buhay na katawan ng tao. Sa madaling salita, ang pangangailangan para mabuhay ang karaniwang manggagawa ang batayan ng halaga ng karaniwang lakas-paggawa. Kung mura man ang lakas-paggawa, ito’y dahil ang halaga nito – sa istandard ng kapitalistang lipunan – ay batay lang sa mga nesesidad para sa produksyon at reproduksyon ng ganitong kalakal. Ang siya’y makabalik sa pabrika bilang manggagawa at magpatuloy ang kanyang lahi bilang manggagawa na nabubuhay sa pagtitinda ng lakas-paggawa.

Simpleng Pandaraya O Sistematikong Pagsasamantala?

Hindi pumapasok sa kwenta ng presyo ng lakas-paggawa ang halaga na kanyang nalilikha dahil ito ang para sa kapitalista. Kaya nga’t ang laging layunin ng kapitalista ay ibagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil ang anumang antas ng pagbagsak nito ay may katumbas na pagtaas ng kanyang tubo.

Batay sa batas ng pribadong pag-aari ng kapitalistang sistema, hindi maaring angkinin ng manggagawa ang halagang kanyang nalilikha sa aktwal na pagtatrabaho sapagkat ito ang kabuluhan ng kanyang kalakal. Ang kabuluhan ng lakas-paggawa ay hindi maaring angkinin ng manggagawa dahil ang lakas-paggawang ito ay ipinagbili na niya sa kapitalista. Kung ang isang parsela ng lupa ay ipinagbili ng isang tao sa iba, wala na siyang karapatan sa kabuluhan ng lupang ito – makahukay man ng ginto ang taong nakabili o pagtubuan ng nakabili sa halagang lampas sa naging presyo nito sa naging bentahan.

Dahil pag-aari na ng kapitalista ang kakayahang magtrabaho ng manggagawa, lahat ng kayamanang malilikha ng paggawang ito ay kanyang pag-aari. Ang kapitalismo ay hindi simpleng pandaraya. Ito’y sistematikong pagsasamantala. Ang pundamental na usapin ay hindi pa ang samu’t saring pandaraya ng kapitalista sa sahod ng manggagawa kundi ang mismong sistema ng sahurang-paggawa, ang sistemang tumutubo ang kapital sa pagsasamantala sa paggawa. Ang isyu ay ang pagkamkam ng iilan sa kayamanang likha ng lipunan, ang pagiging personal na pag-aari ng minorya sa lipunan ang ikinabubuhay ng mayorya ng populasyon, ang pagiging kalakal ng lakas-paggawa dahil sa monopolyong ito ng ilan sa kasangkapan sa produksyon.

Binibili ng sinumang tao ang isang bagay dahil sa kabuluhan o gamit nito. Sa parehas na paraan. binibili ng uring kapitalista ang lakas-paggawa dahil ito lang ang natatanging kalakal sa mundo na may kapasidad na lumikha ng halaga na mas malaki kaysa kanyang halaga bilang kalakal na kinakatawan ng sahod. Ito ang eksplinasyon kung bakit imposibleng lumitaw sa daigdig ang kapitalismo kung hindi magiging kalakal ang lakas-paggawa dahil ito ang magtatransporma sa kwarta para maging kapital. Kwartang kapag ginastos, imbes na maubos, ay lumalago oras na ibinili ng nag-iisang kalakal sa mundo na habang kinukonsumo ay lumilikha ng halaga, gumagawa ng kapitalistang tubo. Ang milagro ng walang bayad na paggawa ang salamangka ng kapitalismo.

Kapitalistang Tubo Bilang Libreng Paggawa

Kung ang tubo ay ang porsyon ng araw ng paggawa na ginagamit nang libre ng kapitalista, samakatwid, ang saligang paraan para mapalaki ang tubong ito – nang hindi gumagamit ng mga pandaraya sa presyo – ay pahabain ang porsyon na ito ng araw ng paggawa, ang porsyon ng oras-paggawa na hindi binabayaran ng kapitalista. Ito ang papel ng introduksyon ng modernong makinarya sa kapitalistang produksyon.

Bago ang introduksyon ng makinarya sa mga pabrika, ang paraan ng pagpapalaki ng tubo ay ang simpleng pagpaparami ng mga manggagawa at pagpapahaba ng araw ng paggawa. Pero ang pagpaparami ng trabahador nang walang pagpapaunlad ng produktubidad ay simpleng multiplikasyon ng tubo batay sa bilang ng trabahador nang hindi napalalaki ang napipigang tubo sa indibidwal na manggagawa. Kung hindi umuunlad ang produktubidad, kahit lumalago ang absolutong tubo sa pagdami ng manggagawa, hindi napamumura ang produksyon na susi sa tubo’t kompetisyon.

Sa pagpapahaba naman ng araw ng paggawa – nang wala ring pagpapaunlad ng produktubidad – napalalaki rin ang tubo. Pero may pisikal na hangganan ang ganitong paraan kaparis ng pisikal na hangganan ng pwersahang paggawa. Nang nagsisimula ang kapitalismo, sinasagad nito ang araw ng paggawa hanggang 16 o 18 oras. Sa tuluy-tuloy ng pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig, naibaba ito sa 14, sa 12, hanggang sa kasalukuyang panahon ng 8-oras na araw ng paggawa. Pero inabot ito ng ilang daang taon at madudugong mga labanan, na nagpapatunay sa brutalidad ng kapital sa pagpiga sa pisikal na limitasyon ng paggawa sa kahayukan nito sa tubo.

Ang mga bansang unang naging kapitalista gaya ng England, France, Germany, US, Italy at Japan ay ipinundar ang kanilang industriyalisasyon sa pinakamakahayop na mga paraan ng pang-aalipin sa kanilang mga manggagawa – pagpapahaba ng oras ng paggawa at pambabarat sa presyo ng paggawa – kasabay ng madugong panananakop ng mga bansa para gawing mga kolonyang tambakan ng kanilang mga yaring produkto at huthutan ng hilaw na materyales ng kanilang mga industriya.

Introduksyon Ng Makinarya Para Pahabain Ang Oras ng Libreng Paggawa

Hangga’t napalalago ang tubo sa simpleng ekstensyon ng araw ng paggawa at aplikasyon ng murang paggawa, laluna ng mga kababaihan at kabataan, hindi pumapasok sa eksena ang makinarya. Ang introduksyon ng makinarya sa modernong pabrika ay hindi sa udyok ng nobleng intensyon ng kapitalista na pagaananin ang pisikal na trabaho ng manggagawa kundi sa tulak ng kompetisyon sa paggawa ng mas murang produkto at pagpapalago ng tubo na ang kahulugan ay murang paggawa.

Ang epekto ng paggamit ng makinarya ay isang rebolusyon sa paraan ng produksyon ng lipunan at nagbunga ng walang kaparis ng pagsulong ng produktubidad. Pero imbes na magbunga ng progreso sa buhay ng masang anakpawis, ang epekto nito ay ibayong pag-igting ng pagsasamantala dahil ang intensyon sa paggamit nito ay pamurahin ang lakas-paggawa para mapamura ang produksyon. Ang agad na naging epekto nito ay ang pagbagsak ng indepedyenteng paggawa ng mga craftsmen at artisano. Nagmistulang mga pana’t sibat ang kanilang mga lumang instrumento laban sa mga kanyon at tangke ng mekanisadong mga pabrika ng uring kapitalista. Bagsak rin ang nagsasariling mga magsasakang lumaya nga sa pyudalismo pero sinagasaan naman ng modernong produksyon ng naglalakihang kapitalistang plantasyon. Bandang huli ay hinigop ang marami sa kanila ng modernong makinarya para lamunin ang kanilang lakas-paggawa ng higanteng mga kapitalistang pabrika o plantasyon.

Totoong sa pagbili ng kapitalista ng makinarya para palitan ang de-kamay na mga instrumento, obligadong palakihin ang kanyang nilalargang kapital. Pero hindi gunggong ang kapitalista na bibili ng makinarya para lang makiuso. Hindi siya gagamit ng makinarya kung hindi siya mas makakatipid sa paggamit nito. Ano ang kanyang tinitipid? Walang iba kundi ang paggamit ng lakas-paggawa. Itinataas ang produktubidad nito, ang kapasidad na lumikha ng halagang sobra-sobra sa presyo ng lakas-paggawa, dahil ito ang kumakatawan sa kapitalistang tubo.

Ang ibig sabihin ng sobrang-halaga ay ang paggawa ng mga produktong ang ginagastusan na lang ng kapitalista ay ang nakokonsumong materyales at depresasyon ng makinarya pero libre na ang lakas-paggawa. Libre ito dahil kung sa unang oras pa lang ng walong oras na araw ng paggawa ay nalikha na ng manggagawa ang katumbas na halaga ng kanyang sahod, ang produkto sa susunod na pitong oras ay libre na ang paggawa.

Kung sa pagsulong ng produktubidad ay mapaiksi pa ang porsyon ng oras para sa reproduksyon ng halaga ng sahod – mula sa isang oras ay mapaiksi pa ito sa kalahating oras sa pamamagitan ng aplikasyon o modernisasyon ng makina – madadagdagan ng panibagong trenta minutos ang dating pitong oras ng libreng paggawa.

Kung pirmes ang haba ng araw ng paggawa at dahil ang tubo sa produksyon ay nanggagaling sa lakas-paggawa – para mapalaki ang tubo mula sa indibidwal na manggagawa, kailangang mapahaba ang porsyon ng libreng paggawa, mapamura ang halaga ng lakas-paggawa, mapaiksi ang oras ng reproduksyon ng katumbas na halaga nito.

Walang Latay Ngunit Mas Matinding Hagupit ng Mekanisadong Paggawa

Kung serbisyo ang kahulugan ng mekanisasyon sa uring kapitalista, ito’y kastigo sa buong hanay ng uring manggagawa, katumbas ng latigo ng sinaunang panginoon. Walang iniiwang latay sa likod ng sahurang-alipin ang hagupit ng madernong pagsasamanta pero libong beses na mas malaki ang pinipiga ng kapital sa sahurang-paggawa kaysa pwersahang paggawa.

Malinaw ito sa ating halimbawa ng pabrika ng karayom. Sa halimbawang ito, ang trabaho ng 127 na manggagawa ay kayang gampanan ng isang manggagawa sa paghawak ng apat na makina ng karayom. Kung ang kapitalista ng pabrikang ito ay bibili ng 80 piraso ng ganitong klase ng makina, ibig sabihin, ay uupa siya 20 manggagawa na sa loob ng isang araw ay makakayari ng 12 milyong karayom. Kung hindi siya gagamit ng ganitong makinarya, kailangan niya ng 2,540 na manggagawa para sa ganitong bolyum ng produksyon sa isang araw. Ang natipid niya, kung gayon, sa paggamit ng 80 makina ay katumbas ng sweldo ng 2,520 na manggagawa sa bawat araw na produksyon ng 12 milyong karayom.

Sa paggamit ng modernong makinarya, hindi lang lubusang makakatipid sa paggawa ang kapitalista. Mapamumura niya nang ang gastos sa produksyon kumpara sa kanyang karibal na lumang instrumento ang ginagamit. Mas mura ng __ % ang bawat piraso ng karayom na gawa ng isang manggagawang tumatapos ng 600,000 piraso sa 11 oras na araw ng paggawa kumpara sa karayom ng isang manggagawang yumayari lang ng 4,800 sa parehas na oras ng paggawa.* Kapag gumaya na rin ang kanyang karibal na kapitalista, magpapatindihan sila sa produktubidad at sa ibayong modernisasyon ng produksyon.. Ang implikasyon nito ay papalitan ng makina ang isang takdang bilang ng mga manggagawang kailangan o mapoprodyus ng mas kaunting manggagawa ang parehas o mas malaking bolyum ng produkto.

Sa isang banda, di maiiwasang magbunga ng disempleyo ang introduksyon at dominasyon ng makinarya sa sinasakop nitong partikular na linya o sangay ng industriya. Isang absolutong batas ng kapitalismo na kapag ang kabuuang kantidad ng kalakal na nagagawa sa pamamagitan ng makinarya ay katumbas ng kabuuang kantidad ng kalakal na dating nagagawa ng di-mekanisadong paggawa, ibig sabihin, ang kabuuang paggawang kailangan ay mababawasan para sa mekanisadong produksyon ng ganitong kantidad ng kalakal. Ngunit, sa kabilang banda, kahit pinapalitan ng makina ang paparaming mga manggagawa sa sinasakop nitong partikular na industriya o produkto, nagbubunga naman ito ng paglaki ng employment sa ibang industriya o sektor ng ekonomya at paglawak ng bilang ng uring manggagawa..

Sa pagtaas ng kapasidad sa produksyon sa partikular na industriyang sinakop ng mekanisadong paggawa, lumalaki ang pangangailangan nito, una, sa hilaw na materyales na isinusuplay ng ibang industriya. Ikalawa, kung ang produkto ng industriyang sinakop ng mekanisasyon ay hilaw na sangkap ng ibang industriya, itutulak naman ng pagtaas ng produksyon ng ganitong produkto ang produksyon sa mga industriyang kailangang ang sangkap na ito dahil sa pagdami at pagmura ng suplay. Ikatlo, itutulak ng mekanisadong paggawa tungo sa ibayong antas ng pag-unlad ang dibisyon sa paggawa sa lipunan, ang paglitaw ng bagong mga sangay ng industriya. Ikaapat, dahil magbubunga ang mekanisadong paggawa ng paglago ng kayamanan ng uring kapitalista, magbubunga ito ng paglitaw o paglago ng mga industriyang tumutugon sa luho at lumalaking mga pangangailan ng mga yumayaman sa lipunan (luxury goods).

Pero kapag muling sinaklaw ng mekanisasyon ang mga industriyang dumarami ang mga manggagawa, mauulit ang naging epekto nito sa naunang mga industriyang naging mekanisado – ang relatibong reduksyon ng bilang ng manggagawa at ang pagliit ng proporsyon ng gastos sa pasahod kumpara sa gastos sa kagamitan sa produksyon. Ganito ang naging pag-unlad ng mekanisasyon ng produksyon ng kapitalismo sa nakalipas na ilang daang taon – ang tuloy-tuloy na dislokasyon ng mga manggagawang pinapalitan ng mga makina at pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa, kasabay ng pagdami ng bagong mga sangay ng industriya na nagbubukas ng mga bagong oportunidad sa pagbebenta ng lakas-paggawa sa iba’t ibang anyo nito kasama ang mental labor at service sector.

Dahil tuluy-tuloy ang mekanisasyon at modernisasyon ng produksyon, tuloy-tuloy rin ang pagbagsak ng halaga ng paggawa. Ito’y hindi pa dahil sa tumataas na indibidwal na produktubidad sa bawat pabrika kundi dahil bumabagsak ang halaga ng kanyang mga nesesidad sa pagtaas ng produktubidad sa mga industriyang may kinalaman sa produksyon ng mga nesesidad na ito.. Maaring tumataas pa nga ang mga presyo nito dahil sa implasyon pero ang totoong halaga ng mga produktong binibili ng karaniwang mga manggagawa ay bumabagsak. Habang tumataas na produktubidad, mas umiiksi ang oras ng paggawa ng mga produktong ito. Parehas ito ng pangyayaring maaring hindi naman binabawasan ang sweldo ng manggagawa, at inuumentuhan pa nga, pero sa totoong buhay, bumabagsak ang tunay na halaga nito sa pamilihan, mas kaunti ang kantidad ng kalakal na nabibili.*

Nasa Kapitalistang Paggamit Ng Makinarya Ang Mekanismo ng Kontradiksyon ng Kapitalismo

Ang pagkakaimbento ng steam engine ang nagpasiklab sa "Industrial Revolution". Isa-isa, sunud-sunod, at bandang huli, sabay-sabay na sinakop ng mekanisadong paggawa ang iba’t ibang produkto. Hanggang sa madominahan nito ang lahat halos ng industriya. Magsanga-sanga ang bawat industriya sa kanya-kanyang ispesyalisasyon. Manganak ng mas marami pang industriya kaysa orihinal na pinagsimulan. Pati ang produksyon ng mga makina ay naging separado at dambuhalang industriya na binubuo ng samu’t saring ispesyalisadong mga sangay. Habang sumusulong ang mga industriya sa kalunsuran, kasabay na umabante ang modernisasyon at mekanisasyon ng agrikultura at lumago ang komersyo at sektor ng serbisyo. Obligadong sumabay ang pag-unlad ng komunikasyon at transportasyon habang ginagatungan ng kapitalistang kompetisyon ang tuluy-tuloy na pagsulong ng syensya at teknolohiya. Dumami ang mga sektor ng kapital at sektor ng populasyon na naghahati-hati sa sobrang-halagang nalilikha sa produksyon ng mga kalakal.*

Ang mekanisasyon ng produksyon ay parang ipu-ipong habang umiikot ay palawak nang palawak ang sinasakop, palakas nang palakas ang pwersa, hinihigop ang lahat ng dinadaanan at tumitilapon ang lahat ng nakaharang. Hanggang sa maging ganap ang dominasyon nito sa buong sistema ng produksyon. At ang pwersa sa ubod ng ipu-ipong ito ay ang kapital – ang kwartang hawak ng mga kapitalista na pinalalago ng lakas-paggawa upang sa kanyang pagtubo ay lalong lumago, maparami ang mabibiling lakas-paggawa at maparami ang mabibiling makinaryang gagamitin para patindihin ang pagsasamantala sa bawat manggagawa at mapangibabaw ang kapangyarihan ng kapital sa buong populasyon ng mga swelduhan. Mekanisadong ginigisa ng kapitalismo ang uring manggagawa sa sariling mantika, sa yamang kinakatas at pinipiga sa kanyang lakas-paggawa. Ang kapital ay isang bampirang hindi maaring mabuhay kundi sa pagsipsip ng tubo sa sariwang paggawa ng buhay na manggagawa.

Nang maging ganap ang dominasyon ng mekanisasyon ng mga industriya sa mga bansang unang naging kapitalista, lumitaw ang likas na mga kontradiksyon ng kapitalistang sistema. Balikan natin ang kapitalista ng karayom para makita ang ganitong mga simpleng kontradiksyong nasa kaibuturan ng ganitong sistemang umaandar sa kahayukan sa tubo at ang eksplinasyon kung bakit nagkaganito ang paghihikahos sa kabila ng matinding progreso.

Sa aplikasyon ng makina, ang dating produksyong 48,000 na karayom ng sampung manggagawa ay magiging 6,000,000 kung mantinado ang sampung manggagawang. Kung ang kanyang karibal ay ayaw magpatalo at bumili naman ng dobleng bilang ng parehas na makina, makakaprodyus naman ito ng 12,000,000 karayom sa isang araw. Kung mayroon pang ikatlong imbestor na makukumbing magandang negosyo ang produksyon ng karayom, at maglarga ng kapital na triple sa unang kapitalista, ang magiging kabuuang produksyon sa isang araw ng tatlong kapitalista ay 36 milyong karayon.

Kung ang demand sa loob ng bansa para sa karayom ay 100 milyon isang araw, ibig sabihin, kapos pa ang suplay ng 64 milyon. Syempre, pipilitin nilang itaas ang kanilang produksyon para masuplayan ang ganitong demand. Kung walang problema sa suplay ng hilaw na materyales, sa pagbili ng karagdagang makinarya at pag-upa ng karagdagang mga manggagawa, sandaling panahon lang ay matutugunan na nila ang ganitong demand. sa 100 milyong karayom sa isang araw at magsisimula ang krisis ng sobrang produksyon kapag hindi lumaki ang demand sa paglaki ng bolyum ng itinitindang karayom.

Habang hinahabol ng bawat kapitalista na mapalaki ang produksyon para matugunan ang pangangailangan sa karayom, magpapaligsahan rin ang tatlo sa palakihan ng benta. Bawat isa ay mag-iisip ng mga paraan para mapamura ang produksyon na ang ibig sabihin ay mapataas ang produktubidad. Dito’y agad na makikita ang magiging direksyon ng kanilang labanan.

Sa tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng makinarya, darating ito sa isang antas na sosobra ang suplay sa demand. Kapag hindi lamaki ang demand kasabay ng paglaki ng suplay, titirik ang produksyon. Halimbawa, kung ang demand sa karayom para sa isang taon ay kayang iprodyus sa loob ng isang buwan, ano ang gagawin ng pabrikang may ganitong kapasidad sa natitirang labing-isang buwan? Kung walang kakompetensya, pwedeng rendahan ang produksyon batay sa demand. Pero ang ibig sabihin nito ay hindi gagamitin ang makina batay sa kanyang aktwal na kapasidad. Pero kapag may kakompetensya, magkakasagaran sa produksyon para ito;y mapamura. Ang hindi makasabay ay matatalo at maagawan ng benta. Ito ang kagyat na implikasyon ng kapitalistang kompetisyon – ang anarkismo sa produksyon at monopolyo kapitalismo.

Siglo ng Monopolyo Kapitalismo

Sa bawat industriya, kapag nagsimula na ang mekanisasyon, ay iigting ang kompetisyon. Ang unang biktima ay ang mga manggagawa. Sila ang unang mapipisak sa kapitalisang banggaan. Magsisimula ito sa pagsagad sa kanilang pisikal na kapasidad, pagkatapos ay sasagarin ang kapasidad sa pamamagitan ng mekanisadong paggawa. Susunod na pipisakin ay ang maliit na kapital ng mas malaking kapital. Sa labanang ito ng malaki at malaking kapital ay damay pa rin ang mga manggagawa. Kapag bumagsak ang maliit, sila’y mawawalan ng trabaho. Kapag nagpaunlad ng makinarya ang malaki, papalitan sila ng makina.

Walang ibang hahantungan ang ganitong mekanisasyon na ginagatungan ng kahayukan sa tubo kundi ang naganap sa mga unang kapitalistang bansang naging industriyalisado. Tuloy-tuloy ang kompetisyon sa lahat ng saligang linya ng industriya hanggang sa bumagsak ang mahihina’t malilit na kapital at madomina ang bawat industriya ng higanteng kapital. Mula sa "malayang kompetisyon" ay narating ng mga bansang industriyal ang yugto ng monopolyo kapitalismo bago pa magsimula ang kasalukuyang siglo. Durog na ang malayang kompetisyon sa loob ng mga bansang ito, at katunayan, nagsanib-sanib ang malalaking kapital para kontrolin ang kanilang kompetisyon at kontrolin ang saligang mga sektor ng ekonomya sa anyo ng mga kartel at monopolyo. (Box: Dominasyon ng Monopolyo Kapital sa mga Bansang Industriyal noong 1900).

Ang monopolyong yugtong ito ng kapitalismo ay nangahulugan ng matinding konsentrasyon ng kapital sa kontrol ng ilang dambuhalang mga korporasyon. Ang ganitong konsentrasyon ay nagluwal sa mga higanteng kapital sa pinansya na hindi lang ang galaw ng salapi sa lipunan ang kinukontrol at minamanipula kundi pati ang galaw ng mga industriya. Ang mga monopolyo kapitalista ay siya ring mga kapitalista sa pinansya, at ang kanilang pagsasanib ang nagluwal sa imperyalismo.

Sa ganitong antas ng konsentrasyon ng kapital, di maiiwasan na mamintog ang kapitalistang sistema sa mga abanteng bansa sa krisis ng sobrang produksyon. Dahil sa matinding kapasidad ng modernong makinarya, kapag umaabot ang produksyon nito sa isang antas na hindi makasabay ang demand sa suplay, ang tendensya ay ang pagkaagnas ng industriya, ang pagtumal ng produksyon. Obligadong humanap ito ng pagbebentahan ng mga produkto. Obligado itong humanap ng pagkukunan ng mga hilaw na materyales. Obligado itong humanap ng sasakuping mga bagong industriya. Obligadong sakupin ang buong mundo!

Imperyalismo Ang "Nakaguhit na Tadhana" Ng Kapitalismo

Sa yugtong ito ng monopolyo kapitalismo nagsimula ang makabagong anyo ng kolonyalismo – ang tinatawag nating imperyalismo. Ito ang dambuhalang kapital na obligadong manakop ng ibang bansa matapos makontrol ang sariling bayan. Nagsimula ang kasalukuyang siglo na pinaghahati-hatian at pinag-aagawan ng mga industriyalisadong bansa ang daigdig.

Sa panahong ito sinakop ng Amerika ang Pilipinas upang maging istasyon ng kanyang ekspansyon sa Asya na ayon sa mga lider ng Amerika ay "manifest destiny" ng kanilang bansa ang maghari sa mundo.. Dahil sa makabagong kolonyalismong ito ng mga imperyalistang bansa, naudlot ang sariling pag-unlad ng mga bansa sa Asya, Afrika, Latina Amerika at kahit sa ilang bahagi ng Europa. Kung hindi man direktang sinasakop sa armadong paraan ang iba’t ibang bansa, kinukontrol at sinasakal ang ekonomya ng mga bansa sa pagkontrol sa mga gubyernong ginagawang mga papet ng imperyalistang interes. Pati soberanya ng mga bansa ay naging kalakal ng imperyalistang kapital.

Ito ang saligang eksplinasyon kung bakit ang mayorya ng mga bansa sa daigdig ay hindi nakasunod sa yapak ng industriyalisasyon ng naunang mga abanteng bansa dahil sumisibol pa lang ang kapitalismo sa kanilang mga pyudal na sistema ay gumagala na ang higanteng kapital sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Pinipisak ang pipitsuging kompetisyon habang niyuyurakan ang pambansang soberanya ng mga sumisibol na bansa. Ang naganap sa mundo ay parang repetisyon lang ng naganap sa loob ng industriyalisadong mga bansa sa panahong dinudurog ng malalaki ang mahihinang kapital. Ito ang orihinal na bersyon ng "globalisasyon" – ang kolonyalistang ekspansyon ng kapital sa buong daigdig.

Paano makakausad ang sariling produksyon ng umuunlad pa lang ng mga bayan kung bumabaha ang mga produktong galing sa industriyalisado nang mga bansa at nililimas nito ang kanilang likas na kayamanan. Ito ang nangyari sa India nang maimbento ang simpleng "sewing machine" at malawakang gamitin ito sa buong industriya ng "wearing apparel" sa England. Ang sunud-sunod na pagkakaimbento ng "sewing machine", "spinning jenny" at "weaving machine" ang nagpasiklab at nagpalagablab sa sinasabing "cotton revolution" sa larangan ng agrikultura.

Tumaas ng libu-libong ulit ang kapasidad sa produksyon ng "wearing apparel" sa England at gayundin ang suplay nng hilaw na materyales na kailangan ng industriyang ito.. Kung ang yaring produkto ay sa England lang ibebenta, titirik ang mga pabrika sa sobrang produksyon. Mawawalan ng trabaho ang daan-daang libong manggagawa sa magkakaugnay na industriya. Dahil kolonya ng England ang India, hindi lang nito itinambak sa India ang mga yaring produkto kundi ipinagbawal ang pagluluwas ng India ng sariling produktong "wearing apparel".. Kasabay nito ay nilimas ng kolonyal na gubyerno ang murang hilaw na materyales ng India patungo sa England para suplayan ang sariling industriya ng "wearing apparel". Sa ganitong paraan, naipasa ng England sa India ang sariling problema ng disempelyo at inudlot ang pag-unlad ng industriya sa kanyang kolonya.

Hindi lang niraraspa ng monopolyo kapitalismo ang pag-usbong na pag-unlad sa mga bansang dominado nito kundi sila-sila mismo – ang mga bansang industriyalisado – ang mabangis na nagpapaspasan. Pinatutunayan nito hindi lang ang likas na kabangisan ng kapital kundi ang walang pagkasaid na "kahayukan" sa tubo. Hindi ito "makontento" sa monopolyo sa sarilling bansa at sa mga bansang kontrolado ng bawat isa. Pinagnanasaan rin nito pati ang sakop ng mga bansang parehas nitong monopolista.

Pero ang katotohanan, hindi ito simpleng kahayukan sa kayamanan kundi idinidikta ito ng pang-ekonomyang "naturalesa" ng kapital. Hindi ito maaring tumigil sa paglago dahil dadaigin at lalamunin ito ng ibang lumalagong kapital. Mula nang marating ng kapitalismo ang mekanisadong produksyon, obligadong sagarin nito ang inabot na kapasidad at ginawang alaberde ang kompetisyon. Kapag nakarating ang mga kasangkapan at pwersa nito sa produksyon sa isang antas ng produktubidad, kailangang umandar ito sa ganitong kapasidad para maiwasan ang pagtirik at pagkaagnas.

Nasa kalikasan ng kapitalismo ang anarkismo sa produksyon dahil ang motibasyon ng produksyon ay tubo at hindi ang anumang konsiderasyong panlipunan. Hahatawin at hahatawin nito ang produksyon sa paghahabol sa tubo habang ginagatungan naman ang paghahabol sa produktubidad ng walang pakundangang kompetisyon. Kapag nasagad nito ang pangangailangan sa isang industriya at narating ang antas ng sobrang produksyon, lilipat ang atensyon at konsentrasyon ng kapital sa ibang industriyang mas malaki ang mahahamig na tubo.

Marahas At Mabangis Na Kalikasan ng Imperyalismo

Ito ang pundamental na dahilan ng pagsiklab ng dalawang digmaang pandaigdig na walang kaparis sa kasaysayan ng mga digmaan ng tao. Ito’y sunggaban at gwardyahan ng sakop na teritoryo sa pagitan ng imperyalistang mga bansa na pare-parehas na nangangailangan ng mga kolonya at merkadong tambakan at huthutan ng kanilang dambuhalang mga kapital. Sa dalawang gera mundyal na ito, na ang nagbakbakan ay ang mga industriyalisadong bansa, umabot sa _____ daang milyong tao ang nasawi kabilang ang mga biktima sa Hiroshima at Nagasaki na hinulugan at pinagpraktisan ng US ng kanyang bomba atomika.

Sa panahon ng sistemang alipin, unang nagsimula ang malawakang armadong mga pananakop ng teritoryo kaparis ng ipinundar ng Roman Empire. Sa panahon naman ng pyudalismo, ang kabisado natin ay ang pananakop ng Espanya para palaganapin ang pyudalismo. Pero kung tutuusin, mas malawak ang inabot ng British Empire sa panahong ito ng pyudalismo. Nakontrol nito ang Afrika, ang maraming bansa sa Asya, at mismong ang Amerika ay dati nitong kolonya. Pati ang Maynila ay sandaling naagaw nito sa Kastila. Pero daig pa rin ito ng imperyong naipundar ng Amerika matapos ang World War II kahit walang mga haring may korona at trono ang bansang ito. (Box: Saklaw ng mga Kahariang Itinayo sa Daigdig).

Pagsama-samahin man ang lahat ng nasawi sa mga gera sa panahon ng sistemang alipin at sistemang pyudal sa nakalipas na 10,000 taon bago sumibol ang kapitalismo, malayo ang bilang nito sa daan-daang milyong namatay sa mga gera ng pananakop sa ngalan ng kapitalismo sa hamak na mas maiksing kasaysayan ng pagsulong at pangingibabaw nito sa mundo. Ang ipinagmamalaking industriyalisasyon ng mga bansang imperyalista ay ipinundar sa dugo ng daan-daang milyong mamamayan sa buong daigdig na sinakop ng makabagong kolonyalismo.

Ang mga panginoong may-alipin ay nanakop sa ngalan ng "Sibilisasyon". Ang mga panginoong maylupa ay nanakop sa ngalan ng "Kristyanismo" o "Islam". Ang mga digmaang ito ng mga uring mapang-alipin ay laging nilalagyan ng mga "dakilang" layunin gaya ng hulugan ng Amerika ng mga bombang nukleyar ang Hiroshima at Nagasaki sa ngalan ng "Demokrasya". Gaya ng sakupin ng Amerika ang Pilipinas sa ngalan ng "Demokrasya" at patayin ang 300,000 Pilipino na nagtatanggol ng kasarinlan ng ating bayan. Wala pang Hitler noong World War I kaya’t hindi pwedeng sabihing "gera laban sa pasismo" ang digmaang ito. Ang katotohanan, ang World War II ay "kadobol" o "sequel" lang ng World War I, parehas ang prinsipal na mga "aktor". Ito’y parehas na gera mundyal ng mga imperyalistang bansa para sa repartisyon ng mundo at nadamay ang populasyon ng mga bansang pinag-aagawan ng ekspansyonismo ng imperyalistang kapital. .

Hanggang sa kasalukuyan ay sakop ang buong daigdig ng imperyalistang kapital. Ang pagpapatuloy ng pananakop na ito ay sa ngalan naman daw ngayon ng "Globalisasyon". Isinisigaw ng mga propeta ng globalisasyon na ito raw ang landas ng pandaigdigang progreso – ang baklasin ang mga "hangganan" ng mga bansa, itayo ang isang "pandaigdigang komunidad" para sa "malayang kalakalan" at "malayang pamumuhunan". Ang pundamental na katanungan ay bakit ang "kapital" ang pinalalaya hindi ang "paggawa" na inaalipin ng kapital?

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento