VII. Globalisasyon - Ang "Bagong Daan" Ng Progreso?

VII. GLOBALISASYON –ANG "BAGONG DAAN" NG PROGRESO?

Paano papawiin ang talamak na paghihikahos ng mayorya ng populasyon ng mundo at paano gagawing makatarungan ang distribusyon ng kayamanang likha ng paggawa ng tao? Ang inaanunsyo ng kapitalistang mga gubyerno, kabilang ang rehimeng Estrada, na "bagong daan" ay walang iba kundi ang "globalisasyon".

Ano ba ang "globalisasyong" ito? Ang dakilang layunin raw nito ay ang "pagkakapatiran" ng mga bansa – ang mga mamamayan sa buong daigdig ay mamumuhay na kunwari ay iisang komunidad na may iisang ekonomya. Masarap pakinggan ang lumang tugtuging ito na nanggagaling sa mga bansang industriyal, pero paano raw ito isasakatuparan?

Para maging realidad – isang pandaigdigang komunidad, isang pandaigdigang ekonomya – kailangang baklasin raw ang mga bakod ng restriksyong pumipigil sa malayang paggalaw ng mga kapital at kalakal sa buong mundo. Kung tatanggalin ang mga restriksyong ito, magiging malaya ang labas-pasok ng kapital at kalakal sa bawat bansa para "ihatid" ang progreso at prosperidad na kaparis ng sa mga bansang industriyal.

Panibagong Hokus-Pokus ng Imperyalismo

Ang tatlong haligi ng globalisasyong ito ay ang sinasabing "liberalization", "privatization" at "deregulation". Ang ibig sabihin ng "liberalization" ay paluwagin ang pasok-labas ng kapital at kalakal sa bawat bansa na hindi gaanong hinahadlangan ng mga dekreto at taripa na pumipigil sa malayang paggalaw nito. Ang ibig sabihin ng "privatization" ay bitiwan ng mga gubyerno ang hawak nitong mga industriya at ipaubaya sa pribadong sektor. Ang ibig sabihin ng "deregulation" ay bawasan at ilagay sa minimum ang interbensyon ng gubyerno sa takbo ng negosyo at hayaan ang "batas ng merkado" ang maging motor ng ekonomiya.

Hindi ba halatang-halata na ang ibig sabihin ng "globalisasyong" ito ay walang iba kundi ang lubusan pagpapalaganap at ganap na paghahari sa buong mundo ng kapitalismo sa anyo ng imperyalismo? Ang kapitalismong ito ang naghasik ng katakut-takot na paghihikahos sa buong mundo, pagkatapos ay ang lason pa ring ito ang ireresetang lunas sa paghihikahos! Ito ay gamundong panggagago. Binibilog ang ating ulo ng kasing-bilog ng mundo, pinaiikot tayo ng gaya ng pag-ikot ng daigdig. Paniwalain na tayong plakda ang mundo, pero huwag tayong bolahin na ang ganitong globalisasyon ang maghahatid ng tunay na progreso.

Kung baga sa nakakaengganyong adbertisment ng isang produkto, ibinebenta sa atin ang globalisasyon na ang pinang-aakit at pinang-iingit ay ang prosperidad ng mga bansang industriyalisado. Sa ganitong paraan daw umasenso ang mga bansang ito – sa malayang pamumuhunan at kalakalan!

Prosperidad Ng Mga Bansang Imperyalista

Totoong umunlad ang kapitalismo sa mga bansang industriyal sa pamamagitan ng sinasabing "free enterprise" o "free competition" Pero ano ang naging resulta? Nagpabagsakan at naglamunan ang mga kapitalista hanggang sa maabot nito ang yugto ng monopolyo kapitalismo na sa Amerika ay 1% ng populasyon ang nagmamay-ari sa 57% ng kayamanan sa bansang ito.* Matapos ang mahigit 250 taon ng kapitalismo, ganoon pa rin ang di pantay ng distribusyon ng yaman sa Amerika. Mas malala pa nga ang agwat ng mayaman at mahirap sa lipunang Amerikano kumpara sa mga bansang naghihikahos.

Pero hindi ba pwedeng makontento sa argumentong kahit malaki ang agwat na ito ng mayaman at mahirap, malaki naman ang agwat ng kabuhayan ng mahirap sa Amerika kumpara sa mahirap sa Pilipinas? Nagtatamasa sila ng mga kaginhawaan sa buhay ng dulot ng progreso at prosperidad na hindi tinatamasa ng bilyon-bilyong mahihirap sa mundo. Mayroon silang mga kotse, aircon, colored TV, washing machine, disenteng bahay, at iba pang sukatan ng komportableng pamumuhay sa modernong daigdig.

Ang relatibong "prosperidad" na ito ng masang Amerikano ay hindi resulta ng pag-unlad ng kapitalismo sa kanilang bansa sa panahon ng "malayang kompetisyon" kundi nagsimulang dumaloy ang katas ng progreso matapos ang World War II.. Naganap ito sa panahong namamayagpag na ang monopolyo kapitalismo hindi lang sa loob ng Amerika kundi sa buong daigdig. Yumaman nang todo-todo ang Amerika na masolo nito ang dominasyon sa buong mundo bilang numero unong imperyalistang bansa.

Ang kayamanan ng Amerika ay hindi lang likha ng mamamayang Amerikano. Ang ekonomya ng US ay nakasuso sa ekonomya ng buong daigdig.. Ang imbestment ng mga korporasyong Amerikano sa labas ng US ay umaabot na sa $612 bilyon. Malaking bahagi nito ay naroon sa mga bansang mura ang lakas-paggawa. Sa loob lang ng 1994, ang bagong imbestment ng US sa ibang bansa ay umabot sa $58.5, tumaas ng 17 porsyento sa Asia-Pacific at 14 porsyento sa Latin America.

Kung wala ang dominasyon ng US sa pandaigdigang ekonomya, kung ang produksyon nito ay hindi para sa pandaigdigang pamilihan, kung ang pamumuhunan nito ay hindi internasyunal ang saklaw – magsasarahan ang karamihan ng mga kompaya sa Amerika sa krisis ng sobrang produksyon. Mawawalan ng trabaho ang mayorya ng mamamayan. Maglalahong parang bula ang prosperidad ng kanilang lipunan. Kukulo ang isang rebolusyonaryong sitwasyon sa mismong kabisera ng imperyalismo.

Ang Ulteryor Na Motibo Sa Likod ng Globalisasyon

Ang pag-iwas at paglutas sa krisis na ito ng sobrang-produksyon at sobrang-kapital ang nasa likod ng globalisasyon. Ito ang rason kung bakit ipinagtutulakan ito ng Amerika sa buong daigdig. Isinasalaksak sa lalamunan ng mga bansang dominado nito. Ipinipilit ng US at iba pang imperyalistang bansa ang liberalisasyon at globalisasyon ng mga pambansang ekonomya sa daigdig para libreng maglabas-pasok ang kanilang kapital at kalakal. Ang kanilang palusot ay kapag binukaka ng mga bansa ang kanilang mga ekonomya sa pagpasok ng dayuhang kalakal at kapital, itutulak raw ng "internayunal na kompetisyon" ang mga bansang ito na paunlarin ang kanilang teknolohiya at produktubidad para maging "competetive" sa pandaigdigang ekonomya.

Tama ito noong maagang panahong sumisibol pa lang ang kapitalismo. Noong magkakasinlaki pa ang indibidwal na mga kapitalista. Nagsisimula pa lang ang pagpapaunlad ng mga makinarya at teknolohiya. Ngunit tapos na ang panahon ng "malayang kompetisyon". Nasa yugto na ang daigdig ng monopolyo-kapitalismo.

Sa panahong ito na naghahari ang imperyalismo sa buong mundo, paano magaganap ang sinasabing "malayang kompetisyon"? Paano lalaban ang mga atrasadong ekonomya kung ang produksyon nito ay mas maliit at kung gayon ay mas mahal kumpara sa malakihang produksyon ng mga industriya at korporasyon ng mga imperyalistang bansa na matagal nang pandaigdigang ang saklaw.? Kung atrasado ang mga kagamitan sa produksyon ng mga atrasadong bansa, ang katwiran ng mga propeta ng globalisasyon ay papasukin ang dayuhang kapital para dalhin sa atrasadong mga bansang ang modernong teknolohiya.

Bakit naman mamuhunan ang mga korporasyong multinasyunal sa mga bansang gaya ng Pilipinas? Iisa ang dahilan: Mura ang lakas-paggawa. Papasok ang mga dayuhang kapital dahil ang kailangan nila ay mura’t maamong lakas-paggawa. Ito ang ibig sabihin ng globalisasyon para sa mga bansang gaya ng Pilipinas – ang mabuhay sa pagbebenta ng murang lakas-paggawa.

Hindi ba’t ito ang pangunahing eksport ng Pilipinas sa nagdaang mga dekada hanggang sa kasalukuyan? Ang itinda sa ibang bansa ang murang lakas-paggawa ng Pilipino para kumita ng dolyar ang Pilipinas na ipambabayad sa mga dayuhang utang at ipambibili ng mga kalakal ng mga korporasyong multinasyunal. Sa ilalim ng globalisasyon, ang magiging prinsipal nating industriya ay ang produksyon at reproduksyon ng murang lakas-paggawa para sa papasok na mga dayuhang kapital.

Walang Katapusang Dayuhang Dominasyon sa Pilipinas

Hindi pa sapat ang nakalipas na halos 500 taong kasaysayan ng Pilipinas para matuto at makilala natin ang tunay na mga intensyon at ulteryor na motibo ng pagkakaroon ng interes ng mga dayuhang kapangyarihan sa ating bansa?

Halos 400 taon tayong ginawang kolonya ng Espanya. Ang kolonyalismong ito ang pangkasaysayang ugat ng atrasadong sitwasyon ng Pilipinas nang magsimula ang kasalukuyang siglo. Ang kolonyalismo ring ito ang dahilan kung bakit maraming mga bansa sa Asya, Afrika at Latina Amerika ang inabutan ng kasalukuyang siglo na ang antas ng pag-unlad ay halos atrasado ng isang milenyo sa pag-unlad ng sibilisasyon.*

Pinalaya natin ang ating sarili ng isang rebolusyon laban sa Espanya. Itinayo ng ating mga ninuno ang unang republika sa Asya. Pero biglang dumating ang Amerika. Inagaw ang ating kasarinlan at ibinalik tayo sa pagiging kolonya. Huwag sabihin ng mga Amerikano na tinawid nila ang Pacific Ocean at dinayo nila ang ating arkipelago para lang turuan tayo ng sibilisasyon Noong panahong iyon ay sila mismo ay kailangan pang turuang tanggapin bilang kaparehas at kapantay nilang tao ang mga Itim na ginawa nilang mga alipin kahit matagal nang pinaglipasan ang ganitong sistema ng sibilisasyon. Inagaw nila ang ating kalayaan at ginawa tayong kolonya para magkaroon sila ng istasyon ng kanilang imperyalistang ekspansyon sa Asya kasabay na pag-agaw sa Cuba para naman sa kanilang ambisyon sa Latina Amerika.

Nagdaan rin ang Amerika sa pagiging kolonya ng Britanya at sila rin ay naghimagsik para maitayo ang kanilang malayang republika. Pero hindi ito naging rason para maaga tayong pakawalan ng Amerika. Sa mahigit 40 taon ng kasalukuyang siglo – ang panahon ng mekanisadong pagsulong ng industriya – ang Pilipinas ay ginawang direktang kolonyang huthutan ng hilaw na materyales at tambakan ng tapos na produkto ng mga industriya ng Amerika.

Hanggang sa madamay tayo sa kanyang imperyalistang gera sa Hapon – isang bansang nangangarap ring maging panginoon sa Asya at sinasagkaan ng Amerika ang sariling imperyalistang interes. Pero imbes na ipagtanggol ang Pilipinas, tinakbuhan tayo ng Amerika. Isinuko sa Hapon ang Pilipinas at hindi tinangkang bawiin nang maaga dahil ang prayoridad ng Amerika ay ang gera sa Europe. Gayong wala itong kahit isang kolonya sa parteng ito ng mundo. Ang Europa ang kanyang prayoridad dahil naroon ang kanyang istratehikong interes. Ito ang "malaman na karneng" na gusto niyang sagpangin pagkatapos ng gera.

Huwad Na Kasarinlan

Nang bumalik si MacArthur, patapos na ang gera mundyal, pasuko na ang Hapon, nasa opensiba na ang Allied Forces sa Europa. Binigyan tayo ng pormal na "kasarinlan" noong 1946 sa simpleng dahilang kahit sa Amerika ay hindi na kayang bigyan katwiran ang panatilihin pa tayong direktang kolonya. Ikalawa’y namumuo sa Pilipinas noon ang isang malakas na armadong rebolusyonaryong kilusan na nanganganib simiklab kapag ipinilit ang dating kolonyal na sistema. Ikatlo, nakapagpaunlad na ang Amerika ng isang henerasyon ng mga papet na handaang dilaan ang tumbong ng Amerikano kapaglit ng paglulok nila sa poder ng malakolonyal na estado.

Pagkatapos tayong "palayain", tinalian tayo sa leeg ng samu’t saring tratado na gumagarantiya sa interes sa ekonomya, pulitika at militar ng US sa Pilipinas. Mula noon hanggang ngayon, nananatili ang "ispesyal na relasyong" ng US sa Pilipinas. Hanggang sa panahong ideklara ni Marcos ang batas militar, nakatali ang Pilipinas sa kasunduang "parity rights".

Ganito "kaispesyal" ang relasyon sa pagitan natin at ng US – kung ano ang karapatan ng Amerikano sa Pilipinas, ganoon rin ang karapatan ng Pilipino sa Amerika. Sa biglang tingin, para bang tayo ang lyamado sa ganitong kasunduan sa dami ng "oportunidad" sa Amerika kumpara sa Pilipinas. Pero hndi simpleng kabobohan ang pagpayag ng gubyernong Pilipino sa ganitong kasunduan kundi garapal na katrayduran.

Paanong makakalamang ang Pilipino sa Amerika gayong kung tayo ang magnenegosyo doon, titirisin lang tayo na parang mga kuto ng mga dambuhalang korporasyong Amerikano. Samantalang kapag ang mga Amerikano ang nagnegosyo sa Pilipinas, ang mge negosyanteng Pilipino ang titirisin nito.

Malayang limasin ng mga Amerikano ang ating likas na yaman sa ganitong kasunduan. Pero uubra bang dumayo ang Pilipino sa Amerika para doon humukay ng mineral o magtayo ng plantasyon? Dahil sa "parity rights" na ito, nanatili ang Pilipinas na bansang taga-eksport ng asukal, kopra, abaka at iba pang hilaw na materyales habang umaasa sa mga imported na produkto ng modernong industriya ng ibang bansa. Nanatili tayong atrasadong bansang agrikultural na bansot ang industriya dahil sa "ispesyal na relasyong" ito sa Amerika.

Ang globalisasyon ay walang iba kundi makabagong bersyon ng ganitong "parity rights", ang bagong anyo ng rekolonisasyon ng mundo. Pantay-pantay raw ang mga karapatan ng mga bansa sa pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Paano magpapantay ang isang balyena at dilis sa dagat ng globalisadong mundo?

Padrino ng Pasistang Diktadurang Marcos

Nang itayo ni Marcos ang pasistang diktadura noong 1972, sa panahong patapos na ang "parity rights", sino ang kanyang prinsipal na padrino? Walang iba kundi ang gubyernong Amerikano. Hindi mangangahas si Marcos sa kanyang ambisyong maging diktador kung walang basbas ng Amerika. Sa loob ng 14 na taon, dinahas ni Marcos ang sambayanang Pilipino at dinambong ang pondo ng gubyerno at ekonomya ng bansa. Matapos ang 14 na taon, dumikit na sa Pilipinas ang bansag na "sick man of Asia", kulelat sa mga pag-unlad sa ating rehiyon.

Hindi maaring maghugas ng kamay ang Amerika sa nangyaring ito sa bansa. Kagagawan ng gubyernng Amerikano ang halimaw na diktadurang Marcos gaya ng kagagawan rin nito ang naglipanang mga rehimeng diktador sa Latina Amerikana, Asya at Africa ng panahon ring iyon.

May panahong ito ang internasyunal na patakaran ng US – iluklok sa poder ang mga papet na diktador para protektahan at garantiyahan ang kanyang interes sa magkakaibang bansa at rehiyon sa daigdig. Nang magbago ng patakarang ng US, isa-isang naglaho ang mga lantarang teroristang rehimeng ito na nagpapatunay lang na siya rin ang may pakana ng paglitaw ng ganitong mga diktadura. Kapag lumitaw uli ang kondisyong nasa interes ng Amerika ang pagkakaroon ng kamay-na-bakal na mga rehimen, muling tutubong parang mga kabute ang ganitong klase ng papet na mga gubyerno sa mga bansang kontrolado ng imperyalismong Amerikano.

Kapital at Kalakal Imbes Na Bayoneta at Kanyon

Sa anong dahilan, kung gayon, at ipinipilit pa rin ng ating gubyerno ang landas ng pag-unlad na pangunahing nakaasa sa dayuhang pamumuhunan, kalakalan at pangungutang na siyang landas ng globalisasyon? Hindi pa ba sapat ang halos 500 taong kasaysayan ng Pilipinas sa dayuhang pang-aalipin at dayuhang dominasyon para baguhin ang direksyon ng ating pag-unlad bilang isang bansa? Hindi pa ba sapat na katibayan ang paghihikahos ng mayorya ng mga bansa at mayorya ng tao sa mundo na ang kumon na istorikal na karanasan ay ang kolonyal na kasaysayan. Kung hindi man naging direktang kolonya ang ibang atrasadong bansa, inabot naman sila ng pangingibabaw ng imperyalismo sa daigdig sa panahong hindi pa sila halos nakakasampa sa modernong daan ng pag-unlad.

Ang sinasabing landas ng globalisasyon ay ang dating landas at gasgas daan ng dayuhang dominasyon sa mundo. Ang kaibhan, hindi na ngayon bayoneta at kanyon ang ipinanglulupig sa mga bansa kundi ang kapangyarihan ng higanteng kapital, ng modernong teknolohiya, at ang daluyong ng dayuhang kalakal.

Ano ang "bago" sa daang ito? Hindi ba’t ito rin ang matagal nang ginagawa ng imperyalismo – ang mamuhunan, makipagkalakalan at magpautang sa iba’t ibang bansa sa ilalim ng mga kasunduan at kondisyong sila ang nagtatakda? Ano ang prosperidad na ibinunga nito? Ito ay ang kasalukuyang kalagayan ng mundo na 225 na tao ay nagmamay-ari ng isang trilyong dolyar samantalang hindi man lang kumikita ang tatlong bilyong tao ng kahit 2 dolyar sa isang araw.

Ano, kung gayon, ang "bago" sa daang ito? Ang bago ay ang ganap at lubusang pagbaklas sa anumang nalalabing mga restriksyong ibinabakod ng mga bansa sa pagpasok at paglabas ng kapital at kalakal. Mga restriksyong itinayo para kahit paano’y protektahan ang pambansang interes at kontrolin ang dayuhang pamumuhunan at kalakalan.

Tahasang sinasabi ngayon ng mga propeta ng globalisasyon na ang "proteksyonismong" ito ay salungat sa layunin at kalikasan ng globalisasyon. Kailangang baklasin ang lahat ng bakod ng proteksyonismo para ganap na maging malaya ang paggala ng kapital at kalakal sa ekonomya ng bawat bansa at sa buong daigdig. Ang kapital, ang imperyalistang kapital – ang bampirang sumisipsip sa dugo ng buhay na paggawa ng sangkatauhan. Ito ang kumakamkam ng tubong pinagpaguran ng mga lipunan, ang salot na sanhi ng epedimenya ng kahirapan. Bakit ito ang kailangang lubusang palayain para "palayain" sa paghihikahos ang mamamayang kanyang inaalipin!

1 komento:

  1. online casino - KDK - Asia-Pacific - Cadengpintar
    Best online casinos in Asia: Asia-Pacific. We offer the most trusted in 온카지노 가입쿠폰 Asian Gaming market.

    TumugonBurahin