VIII. Ang "American Dream"

VIII. ANG "AMERICAN DREAM"

Dahil sa sukdulang paghihikahos, marami ang papayag na makaraos lang sa miserableng "isang kahig, isang tukang" buhay, di baleng nang mayroong 225 na tao sa mundo na kumakamkam sa bulto ng kayamanan sa lipunan.

Pasahurin lang ng sapat ang uring manggagawa at igalang ang mga karapatan, di bale nang mayroong uring kapitalista na siyang nagpapasa sa kanilang pinagpaguran. Mabigyan lang ang maralita sa kanayunan ng sariling lupang mabubungkal, at ang maralitang lungsod ng kasiguruhan sa pamamahay at kabuhayan, ay pwede nang makontento sa ganitong sistema.

Di bale nang magpayaman nang magpayaman ang mayayaman, huwag lang pahirap nang pahirap ang mahihirap. Ibig sabihin, parang Amerika. Di bale nang isang porsyento lang ng populasyon ang umaangkin sa bulto ng kayamanan, basta ba binabalatuhan ang ordinaryong tao ng prosperidad. Basta ba may colored TV, washing machine, bahay at kotse, at kung anu-ano pang istandard ng komportableng pamumuhay – pwede nang pagtiisan ang kapitalistang sistema ng sahurang-pang-aalipin.

Ito ang ilusyong pinanglalason sa isip ng masa – ang pag-asang sa malao’t madali ay papatak rin ang katas ng progreso. Pinapamanhid ng mismong kahirapan ang pakiramdam sa pang-aapi. Sa umiiral na sistema, kung sino ang nagsaing, tutong ang kinakain. Pero kapag tinirhan ng tutong, binahog ng mumo, sila pa ang may utang na loob sa umubos sa kanilang pinagpaguran..

Hindi raw masikip ang mundo para sa mayaman at mahirap, para sa kapitalista at manggagawa. Pwede namang magsosyo sa progreso kahit hindi baguhin ang sistema. Ang solusyon ay hindi baliktarin ang partehan kundi palakihin ang pinaghahatian. Ganito ang Amerika. Hindi nagbabago ang distribusyon ng yaman, ang lumalaki ay ang yamang pinaghahatian. Ang tanong ay saan nanggagaling ang kayamanang ito ng Amerika?

Ang prosperidad ng bansa ni Uncle Sam ang dinidispley na ebidensya sa buong mundo na uubra ang kapitalismo. Ang Amerika ang iskaparate ng mga kapitalistang ilusyon. Hindi man perpekto, komportable naman daw ang pamumuhay dito. Balikan natin ang paksang ito sapagkat ang prosperidad ng Amerika at mga bansang kaparis nitong imperyalista ang isang pundamental na eksplinasyon ng paghihikahos sa mundo.

Limang Yugto Ng Pag-unlad Ng Kapitalismo Sa Amerika

Pwedeng hatiin sa limang yugto ang pag-unlad ng kapitalismo sa Amerika. Ang unang yugto ay ang panahong sumasaklaw sa pagsulong ng Amerika bilang isang bansa kasabay ng gradual na pagsibol ng kapitalismo (1770s-1820s). Mula 1820s ay nahinog ang kapitalismo sa US at pagdating ng 1890s ay narating ang antas ng monopolyo-kapitalismo. Ito ang maituturing na ikalawang yugto (1820s -1890s), ang panahong nahinog ang kapitalismo sa Amerika mula sa yugto ng "free enterprise" hanggang sa yugto ng imperyalismo.

Ang ikatlong yugto ay mula 1890s hanggang matapos ang World War II (1890s-1940s). Panahon ito ng konsolidasyon at ekspansyon ng US bilang isang imperyalistang bansa hanggang sa ito’y tanghaling superpower sa mundo matapos ang World War II. Ang ikaapat na yugto ay matapos ang gera hanggang sa simula ng dekada ng 1970s (1940s-1970s). Ito ang pinagmamalaking pinakamahabang panahon ng sustenadong prosperidad ng ekonomya ng US, ng konsolidasyon bilang numerong imperyalistang bansa sa daigdig hanggang sa pagbagsak ng ekonomya pagsapit ng dekada ng ’70. Ang ikalimang yugto ay mula 1970s hanggang sa kasalukuyan. Ito ang mga dekada ng pagkukumahog ng US na makaalpas sa krisis hanggang sa maigiit nito ang globalisasyon ng pandaigdigang ekonomya.

Ang pundamental na katanungang gusto nating masagot sa pagrerepasong ito sa kasaysayan ng kapitalismo sa US ay paano nakamit ng Amerika ang prosperidad ng kanyang lipunan? Paano ito naging pinakamayamang bansa sa daigdig? Ito ba’y resulta ng "free enterprise" o "malayang kompetisyon" na tinutrumpeta nito ngayon sa porma ng globalisasyon? O naganap ito sa kaparaanan ng monopolyo-kapitalismo, sa transpormasyon ng Amerika sa isang imperyalistang bakulaw na kumukontrol sa ekonomya ng daigdig?

Sukdulang Paghihikahos Ng Manggagawa Sa Unang 120 Taon Ng Kapitalismo sa Amerika

Ang unang dalawang yugto – na sumasaklaw sa 120 taon – ang yugto ng "free enterprise" sa Amerika, ang panahon ng "malayang kompetisyon".

Sa panahon bang ito umasenso ang kabuhayan ng populasyon ng Amerika? Sa panahon bang ito naipamalas ang superyoridad ng kapitalismo bilang isang sistemang pang-ekonomya kung ang sukatan ng superyoridad na ito ay sa pagbibigay ng prosperidad sa mamamayan?

Pagdating 1880s – matapos ang mahigit 100 taon ng malayang pag-unlad ng kapitalismo – ang kabuhayan ng mahigit sa 40 porsyento ng mga manggagawang Amerikano ay hindi lumalampas sa istandard ng paghihikahos noong panahong iyon at ang 25 porsyento ay nasa antas ng sukdulang paghihikahos.

Katibayan ng sukdulang paghihirap ng mga pamilyang manggagawa ay ang obligadong pagtatrabaho sa mga pabrika ng mga ina at bata dahil hindi magkasya ang sahod ng mga padre de pamilya. Pagsapit ng 1840, kalahati ng pwersa sa paggawa ng sektor ng manupaktura sa buong Amerika ay kababaihan. Sa New England, ang primerang industriyal na rehiyon sa Amerika noon, mga batang wala pang disisais ang bumubuo sa sankatlo hanggang kalahati ng pwersa sa paggawa noong 1820s at 1830s.

Noong 1870, ang ganitong edad na mga bata ang bumubuo sa 13 porsyento ng trabahador ng mga pabrika sa Massachusetts; 21.8 porsyento sa Pennsylvania; at 29 porsyento sa South Carolina. Sa pangunahing textile town sa New York, 2/3 ng mga anak ng mga migrante mula edad 15-19 ay nagtatrabaho sa mga pabrika noong 1860. Mga batang edad 10-19 ang bumubuo sa halos kalahati ng pwersa sa paggawa ng mga pabrika ng textile sa New York.

Sa kasaysayan ng pag-unlad ng mga bansang industriyal, ang unibersal na karanasan ay ipinundar ang kapitalismo sa murang paggawa ng batae’t bata, at pagsagad ng oras ng paggawa laluna sa panahon ng transisyon sa mekanisadong mga pabrika.* Ito panahon ng pakikibaka para sa "family wage" – sahod na makakabuhay ng pamilya – at pagpapaiksi sa araw ng paggawa mula sa dating 16-18 oras.

Ngunit partikular sa Amerika, ang kapitalismo ay hindi lang ipinundar sa murang paggawa ng kababaihan at kabataan, kundi ipinundar sa aliping paggawa ng mga Itim at murang paggawa ng mga migrante. Anumang karangyaan ngayon lipunang Amerikano ay ipinundar ng sukdulang pang-aalipin sa unang mga henerasyon ng mga manggagawa sa bansang ito, at pinalago nang pinalago sa pang-aalipin sa mamamayan ng iba’t ibang bansa sa buong daigdig.

Bago sumiklab ang US Civil War noong 1861, mahigit sa 2 milyon ang mga aliping Itim sa mga plantasyon. Idineklara ang kasarinlan ng US noong 1783. Ibig sabihin, 78 taon na ang lumilipas, hindi pa rin pinalalaya ang mga aliping ito ng bansang nagmamalaking may pinakademokratikong Konstitusyon sa buong mundo.

Nagsimula lang iprayoridad ng naghaharing paksyon sa Amerika ang kampanya para sa abolisyon ng aliping paggawa nang maging sagabal na sa ibayong pagsulong ng kapitalismo sa bandang Hilaga ng Amerika ang atrasado at bastardong sistema* sa bandang Timog. Naunang sumiklab ang rebelyon ng mga panginoong may-alipin sa Timog (secession ng pitong estado) noong 1861 na nagpaputok sa US Civil War kaysa deklarasyon noong 1863 ni Abraham Lincoln ng abolisyon ng aliping-paggawa. Bago nito, tinatangka lang limitahan ng gubyerno ang ekspansyon ng aliping-paggawa. Nang ideklara ang abolisyon, ang sinaklaw lang nito ay ang mga estadong hindi kontrolado ni Lincoln.

Hindi ang libertaryong mga prinsipyo ang nag-udyok sa Hilaga na palayain ang binastardong mga alipin sa Timog kundi ang nesesidad ng pagsulong ng kapitalistang sistema ng sahurang pang-aalipin. Hindi nilutas ng abolisyong ito ang makalahing diskriminasyon sa Amerika, matapos ang mahigit isang siglo, dahil hindi naman talaga ang pang-aalipin ang nilutas ni Lincoln kundi ang pangangailangan ng kapitalismo. Mismo ang kababaihan sa Amerika ay binigyan lang ng karapatang bumoto noong _____, at hanggang sa ngayon ay biktima ng diskrimasyon sa trabaho, dahil hindi naman talaga ang konsepto ng pagkakapantay-pantay ng tao sa lipunan ang nasa likod ng kunwa’y mga demokratikong hakbang ng kapitalismo.

Nang manalo ang Hilaga sa Civil War, ang lakas-paggawa ng mga Itim ay sinimulang higupin ng kapital sa anyo ng "malaya" ngunit murang sahurang-paggawa. Ngunit bago nito, ang agos ng sahurang-paggawa ay mas isinusuplay ng walang patid na pagdagsa ng mga migranteng galing sa Europa. Sa loob lang ng sampung taon (1845-55), ay umabot sa 3.1 milyong migrante ang pumasok sa Amerika. Kalagitnaan ng 1840s, pinalitan na ng mga migranteng Irish ang mga kababaihang Yankee bilang pangunahing pwersa sa mga pabrika ng tela sa New England dahil mas mura ang kanilang paggawa.

Rebelyong Industriyal at Agraryo

Pinakamalinaw na katibayan ng sukdulang kahirapan at kaapihang dinaranas ng mga manggagawa ng panahong ito ay ang paglakas ng kilusang manggagawa sa Amerika. Nahihinog pa lang ang kapitalismo sa Amerika, sa iba’t ibang dako ay nagsusulputan na ang mga unyon at nagpuputukan ang mga welga. Sa katindihan nito noong 1853-54, mahigit sa 400 welga ang pumutok sa pinakamalalaking estado sa Amerika kahit kagagaling lang nito sa pagsadsad noong 1837, sa panahon ng resesyon ng ekonomya (Panic of 1837) at kontra-opensiba ng kapital.

Paulit-ulit na winasak ang mga unyon at welga pero paulit-ulit na bumangon hanggang sa rumururok sa tinatawag na Great Strike of 1877 na naghugis insureksyon. Ang pambansang kilusang welgang ito ay nagsimula pa noong 1873-74 nang sumiklab at lumaganap ang malawakang welga sa mga perokaril sa isyu ng wage cuts. Una pa rito’y ang malawakang kampanya para sa 8-oras na araw paggawa na pumutok sa New York, Massachusetts, at iba pang estado. Noong 1872, mahigit sa 100,000 manggagawa ang nag-walk-out sa New York. Sa mayorya ng mga welga, ang isyu ay ang wage cuts pero sumusulong ang mga labanan hanggang sa kahilingan sa pampulitikang mga reporma at ang kampanya para sa 8-oras na araw paggawa.

Dahil sa tindi, lawak at katangian ng mga welga at aksyong protesta, naobliga ang presidente ng US noon (Hayes) na mobilisahin ang National Guards at ipag-utos ang "paggamit ng kailangang dahas" para wasakin ang mga welga at protektahan ang karapatan sa pribadong pag-aari. Matapos na masawata ang mga welgang ito, ilang buwang nag-ingay ang mga kapitalista, pulitiko at opisyal ng militar at iginiit ang pagtatayo ng malaking "standing army" ng Amerika para "mapigilan ang isang insureksyon na tipong-Paris Commune" (1871) na naganap sa France.

Sa pagkahinog ng kapitalismo sa Amerika, hindi lang ito niyugyog ng paulit-ulit na pagbugso ng kilusang manggagawa sa kalunsuran at mga rebelyong agraryo (____) kundi ng peryodikal na pagsiklab ng matitinding krisis. Kung hindi ito sumampa sa antas ng monopolyo- kapitalismo, at naging imperyalistang pwersa sa daigdig, magigiba ang kapitalismo sa Amerika sa tindi ng Great Depression ng 1893 at Great Depression ng 1929.

Pumuputok ang mga krisis na ito sa kabila ng kalagayang hanggang 1880s, sa deskripsyon ng isang historian, ang karamihan ng mga pabrika sa Amerika ay nananatiling tipong mga talyer ng artisano at hindi pa mga integrated na planta. Pero sa antas pa lang na ito ay daan-daan na ang nababangkrap at nagbabagsakann kapitalistang negosyo dahil sa matinding kompetisyon sa presyo. Imbes na reorganisahin ang kanilang mga negosyo, nagpapatindihan sila sa pagtitipid sa pasweldo.

Sunud-sunod Na Mga Krisis Pang-ekonomya

Hanggang 1837, halos hindi pa umuusad ang mekanisasyon ng paggawa sa Amerika. Ang pagpihit ay naganap sa pagitan ng 1847 at 1854 nang simulan ang introduksyon ng steam-powered machinery sa mga susing industriya at sinabayan ito ng paggamit ng mga tren, telegrama at steamship. Pero 1837 pa lang ay pumutok na ang isang malubhang krisis pang-ekonomya (Panic of 1837) dahil sa sobrang produksyon sa ilang industriya. Umabot ito sa pagguho ng credit at banking. Sa panahong ito, sa Hilagang bahagi ng Amerika, walang matagpuang bukas na banko. Ang epekto ng krisis ay ang pagrenda sa komersyal na ekspansyon at improbisasyon ng mga kagamitan sa produksyon.

Pagpasok ng 1854, sumiklab ang matinding resesyon, at lumala ito, mula 1857 hanggang 1859, sa anyo ng Unang Depresyon sa US. Hindi pa man lubusang sumisikad ang mekanisasyon, at wala pang kumakatas na prosperidad sa mayorya ng populasyon, namimintog na’t nananabog sa panloob na krisis ang kapitalistang sistema sa panahong ito ng "free enterprise".

Ang partikular na krisis na ito ang nagpaigting sa kontradiksyon ng kapitalismo ng mga taga-Hilaga at aliping-paggawa ng mga taga-Timog. Kailangan ng kapital ang malawak at murang paggawa ng mga Itim na ayaw pakawalan ng mga plantasyon sa Timog samantalang nangangamba ang mga taga-Timog sa tunay na disenyo ng mga taga-Hilaga laban sa kanilang antigo at bastardong sistema ng produksyon. Bandang 1861, nagdeklara ng secession ang pitong estado sa Timog at sumiklab ang gera sibil – ang unang modernong gera sa daigdig na ikinasawi ng mahigit sa 600,000 Amerikano.

Matapos ang Depresyong ito, 14 na taon lang ang lumipas at pumutok ang mas matinding krisis – ang Great Depression ng 1873-78. (Check kung international ang krisis na ito). Malalim at permanente ang epekto ng depresyong ito sa ekonomya ng Amerika. Libu-libong negosyante ang nagbagsakan, at sa panahong ito, halos naglaho ang orihinal na mga "negosyong pamilya" na dati’y namumutiktik sa buong Amerika. At ang mga naiwang nakatindig, matapos ang pananalanta ng depresyon, ay nagsisimula nang maghugis monopolyo.

Pagkawasak Ng Kabuhayan Ng Indepedyenteng Prodyuser

Nang pumutok ang unang krisis (1837), mga 54 na taon mula nang sumiklab ang Rebolusyong Amerikano, napakaliit na bahagi pa rin ng populasyon ang nabubuhay sa sahurang-paggawa o kabilang sa di-agrukulural na populasyon. Kahit matapos palayain ang mga aliping Itim, ang malawak na mayorya ng populasyon ng Amerika ay nabubuhay, hindi sa sahurang paggawa, kundi sa indepedyenteng paggawa ng mga nagsasariling magsasaka (yeomen) at nagsasariling artisano (craftsmen) o kombinasyon ng dalawang hanapbuhay na ito.

Pero pagdating ng 1880, ang di-agrikultural na bahagi ng kabuuang populasyon na nagtatrabaho ay umabot na sa 48.4 na porsyento. Mula 1880 hanggang 1990, ang di-agrikulural na mga mangagawa sa Amerika ay umabot na sa 59.6 na porsyento ng nagtatrabahong populasyon. Hindi lang ito resulta ng pagdagsa ng mga migrante na ang kinabagsakang kapalaran sa Amerika ay ang sahurang-paggawa sa mistulang mataderong mga pabrika o resulta ng paghigop ng kapital sa dating aliping-paggawa ng masang Itim. Ang di maikakailang kahulugan ng pag-igpaw ng bilang ng mga sahurang-manggagawa ay winasak ng pagsulong ng kapitalismo ang ekonomya ng mga indepedyenteng prodyuser na siyang mayorya ng populasyon.

Pinatay ng "malayang kompetisyon" ang nagsasariling hanapbuhay ng ordinaryong mga magbubukid at artisano sa buong kalawakan ng Amerika na bumubuo sa mayorya ng populasyon. Ito’y sa kabila ng kalagayang napakalawak ng lupain ng Amerika. Napakaraming oportunidad para magbungkal ng sariling lupa o maging mga indepedyenteng prodyuser ang karamihan ng Amerikano.

Kaparis ng ginawang anihilasyon sa mga Indians sa pagdagsa ng settlers mula Europe, nilipol ng kapital ang mga indepedyenteng prodyuser. Ginawang mga sahurang alipin ng kapitalistang industriya at agrikultura. Ito rin ang naganap sa sinasabing "Old World" (mga bansa sa Europe). Binangkrap ng pagsulong ng kapitalismo ang nagsasariling ekonomya ng mga indepedyenteng prodyuser. Matapos lumaya sa pyudalismo, sila’y nginuya at nilamon ng modernong kapital, sinibak at pinanggatong sa modernong industriya. Ginawang mga proletaryong elementong walang natirang pag-aaring kasangkapan sa produksyon kundi ang lakas-paggawa.*

Ito ang sinasabing "prosperidad" na inihandog sa mayorya ng populasyon sa pagsulong ng kapitalismo sa landas ng malayang pamumuhunan, kalakalan at kompetisyon – ang itransporma ang kanilang "malayang paggawa" sa ordinaryong kalakal sa anyo ng sahurang-paggawa, ang itransporma ang mayorya ng populasyon sa mga sahurang-alipin ng kapitalistang kaharian.

Ayon kay Walt Whitman, isa sa pinakamahusay na makata at manunulat ng Amerika sa kanyang deskripsyon sa panahong ito: "Kung ang US, gaya ng mga bansa sa Old World, ay nagagawang magpatubo ng masaganang ani ng populasyong hikahos, desperado, disgustado, palaboy, miserable ang sweldo – na siyang lumalago sa lumilipas na mga taon – samakatwid, ang ating eksperimento sa republika, sa kabila ng mga paimbabaw na tagumpay, sa pinakapuso ay isang di-malusog na kabiguan."

Grasya ng Imperyalismo

Hindi naganap ang ipinagmamalaking prosperidad ng populasyon ng Amerika sa unang 120 taon ng pag-unlad ng kapitalismo sa landas ng malayang kompetisyon. Ang naganap sa panahong ito ay ang proletaryanisasyon ng masang Amerikano.

Kahit sa unang mga dekada ng monopolyo-kapitalismo sa Amerika – mula 1990s hanggang sa sumiklab ang pinakamatinding pang-ekonomyang krisis ng kapitalismo, ang Great Depression ng 1929 – hindi pa rin tumulo ang prosperidad ng imperyalismo sa mayorya ng populasyon bagamat pinagpepyestahan na ito ng mga naghaharing uri sa Amerika. Nagsimulang dumating ang balatong grasya ang kapitalismo sa Amerika nang ito’y maging numero unong imperyalistang bansa sa buong daigdig matapos ang WW II.

Modernong imperyalismo at hindi ordinaryong kapitalismo ang nagbigay ng prosperidad sa populasyon ng Amerika at mga bansang industriyal pero ang kapalit nito ay ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon ng mundo na nanatiling atrasado dahil sa imperyalistang dominasyon.

Dominasyon Ng Monopolyo-Kapital Sa Lipunang Amerikano

Pagdating ng 1920s, nalubos na ang dominasyon ng monopolyo-kapital hindi lang sa hanay ng uring kapitalista sa US kundi sa buong populasyon at lipunan., laluna sa uring manggagawa. Mayorya ng mga manggagawa sa manupaktura ay nagtatrabaho sa mga pabrikang nagkakahalaga ng mahigit isang milyong dolyar. Bago sinasakop ang mundo, sinakop muna nito ang sariling populasyon.

Pero kakaiba ang naging proseso ng pagkontrol ng monopolyo-kapital sa lipunang Amerikano kumpara sa ibang bansang industriyal. Ang paghahari nito sa Amerika ay hindi naganap sa paraan ng pakikipagkasundo ng kapital sa paggawa na gaya ng karanasan sa ibang bansang industriyal. Naganap ito sa tahasang panunupil at pagwasak sa kilusang manggagawa. Sa ibang mga bansang industriyalisado, gaya ng Great Britain, Germany, France, Italy at kahit Canada, Australia, at Japan, ang pagsampa sa kapangyarihang pampulitika at pang-ekonomya ng monopolyo-kapital ay may kalangkap na "kompromiso" at "sosyohan" sa poder sa pagitan ng kapital at paggawa.

Palsipikado man ang representasyon sa uring manggagawa, lumitaw sa mga bansang ito ang malalakas na partidong pulitikal na karelyebo o karibal sa kapangyarihang pang-estado (Labor Party sa Great Britain, Social-Democratic Party sa Germany, Socialist Party at Communist Party sa France, Communist Party sa Italy). Pero sa Amerika, hindi nakaigpaw ang kilusang manggagawa sa ganitong antas dahil hindi "kompromiso" ang inalok ng monopolyo-kapital kundi matinding panunupil. Ang mga pagtatangkang magtayo ng mga partido sa Amerika na nakabase ang suporta sa paggawa ay agad kinubkob ng matindi at sustenadong atake ng monopolyo kapitalismong maagang nakonsolida at namonopolisa ang poder sa tuktok ng lipunang Amerikano.

"Great Depression" Ng 1929

Mula nang sumampa sa yugto ng monopolyo-kapitalismo hanggang sa bago ipatupad ang "New Deal" ni Franklin Roosevelt, presidente ng US mula 1933-45, sustenado ang atake ng kapital sa uring manggagawa katulong ang armado at ligal na aparato ng estado. Matapos ang pagkatalo ng malawakang welga ng American Railway Union noong 1894 na dinurog ng pinagsanib na lakas ng mga higanteng korporasyon at mapanupil na mga kautusan ng estado, kalahok ang US Cavalry, sunud-sunod ang pagkatalo ng mga pagtatangka ng mga manggagawa na hamunin ang big business sa Amerika. Matapos World War I (1914- ), hindi na nabawi ng militanteng unyonismo ang dating inabot na lakas.

Ang pagputok ng "Great Depression" ng 1929 ay may koneksyon sa pagkawasak ng pambansang kilusang manggagawa sa Amerika matapos ang World War I. Ang mga taon matapos ang World War I ay binansagang "carboniferous capitalism". Ang pinakapuso nito ay ang interkoneksyon ng pagmimina, perokaril at mga pabrika na inilatag ng Rebolusyong Industriyal. Mianufacturing at mining pa lang ay sankatlo na agad ng GNP habang ang employment sa industriyal na sektor kasama ang transportasyon at konstruksyon ay nasa 44 porsyento ng mga nagtatrabaho. Ang nasa kategoryang manual laborers, nang panahong iyon, ay mahigit sa 2/5 ng labor force.

Bago gulantangin ng Depresyon, ang US ay istorya ng umaapaw na pag-asenso. Ito ang numero unong prodyuser ng coal at steel sa mundo. Net exporter ng manufactured goods, at mula World War I hanggang 1985, net exporter ng kapital. Ang "sikreto ng tagumpay" ay ang "katipirang" nakukuha sa malakihang operasyon, sistematikong dibisyon ng paggawa at rasyunalisasyon ng daloy ng produksyon. Nagagawa nitong palakihin ang "output" ng mas kaunti ang "input". Ibig sabihin, naitataas ang produktubidad habang bumabagsak ang por pirasong gastos sa paggawa (labor cost per unit).

Sa pagmimintina sa mababang pasahod, o pagbibigay ng mas maliit na umento kumpara sa paglaki ng produktubidad, kahit maliit ang por pirasong tubo, lumalaki ito dahil dinadaan sa dami. Hindi kasabay ng higanteng paglaki ng produktubidad ang pagtaas ng sahod. Ang produktubidad ng industriya ng bakal ay 100 porsyento ang itinaas mula 1890-1910, pero ang sweldo ng mga manggagawa ng bakal ay tumaas lang ng 20 porsyento. Ang totoong nagpondo sa paglago ng mga negosyo sa Amerika ay hindi ang kapital sa pinansya kundi ang akumulasyon ng tubo sa "katipiran" na ito sa proseso ng paggawa.

Dahil mahina ang oposisyon mula sa organisadong paggawa, alaberde ang mga imbestor sa paglalagak ng kanilang kapital. Umapaw ang kapital sa mga industriyang malaki ang tubo hanggang sa sumobra ang kapasidad nito sa produksyon. Isinugal ang puhunan sa mga ispekulasyon. Nagpyesta ang malalaking kapitalista sa dambuhalang tubo hanggang sa biglang gumuho ang buong ekonomya nang sumiklab ang Depresyon.

Nagsarahan ang mga pabrika. Nangalat sa kalsada ang walang trabaho. Pumipila ang tao sa tinapay at abuloy. Nagsulputan ang mga slum areas sa mga syudad ng Amerika. Imbes na ipamigay sa tao ang mga sobrang produkto, sinira o itinapon ito sa dagat dahil lalong babagsak ang presyo kapag libreng ipinamahagi. May "mass production" ang mga pabrika pero walang katumbas na "mass consumption". Dahil tinipid ang sweldo para lumaki ang tubo. Mataas ang produktubidad ng lipunan, pero mababa ang kapasidad na bumili ng populasyon. Kinagat ng ahas ang sariling buntot, nilamon ng sariling kontradiksyon ang kapitalismo.

World War II Ang Nagligtas Sa Amerika

Ang US Civil War ay resulta ng pangangailangan sa internal na ekspansyon ng kapitalismo sa Amerika. Ang WW I at WW II ay resulta naman ng pangangailangan sa eksternal na ekspansyon ng mga imperyalistang bansa. "Masikip" na ang kani-kanilang bayan para sa kanilang higanteng kapital. Ito ang kakatwa sa imperyalismo. Kailangan iluwas ang sobrang dami ng kapital at kalakal gayong naghihikahos ang sariling populasyon.

Sinasabing si Franklin Roosevelt, ang presidente ng US mula 1933-45 ang nagligtas sa kapitalismo sa Amerika sa bingit ng pagbagsak. Ang totoo’y ang nagsalba sa Amerika ay ang ikalawang gera mundyal. Ang "New Deal" ni Roosevelt ang pinangsawata sa kumukulong antagonismo sa pusod ng lipunang Amerikano sa panahong ito ng Depresyon. Dahil papasok ang Amerika sa panibagong gera, nangibabaw ang makitid na nasyunalismo sa mga sigalot sa pagitan ng kapital at paggawa. Bumenta ang "New Deal" na ito sa masang Amerikano.

Sa atrasadong kompromisong ito ng kapital sa paggawa, ang mga aristokratang lider ng kilusang unyon sa Amerika ay ginawang mga pekeng junior partner ng Democratic Party, bahag na buntot ng monopolyo kapitalismo at lantarang kolaboreytor ng imperyalistang ekspansyon ng Amerika. Kapalit nito ay ang muling rekognisyon ng kapital sa mga karapatan ng manggagawa at ginarantiyahan ang balato sa pag-unlad ng ekonomya na malaking porsyon ay hinihigop sa buong daigdig.

Dumating ang mga balatong ito ng prosperidad nang ganap na maghari sa buong mundo ang Amerika matapos ang WW II. Madaling nasolo ng US ang mundo sa unang mga dekada matapos ang gera dahil sa pagkawasak ng ekonomya ng kanyang karibal. Sa dalawang gerang mundyal na naganap na parehas sinangkutan ng US, kahit isang bomba ay walang nahulog sa mainland Amerika samantalang ang mga syudad ng ibang imperyalistang bansa ay pinulbos ng bomba at binulabog ang produksyon at populasyon.

Naglalahong Prosperidad Ng Masang Amerikano

Pero ang mga balatong ito ng "New Deal" sa masa ay hindi kusang-loob ng mga kapitalista o ng gubyerno. May malaking kinalaman dito ang paglago ng unyonismo sa panahong ito. Pagpasok ng dekada ng 1950s, umaabot na sa 80 - 90 porsyento ng mga manggagawa sa mga industriyang gaya ng kotse, bakal at coal mining ang unyonisado. Sa buong sektor ng manupaktura ay nasa 70 porsyento. Nasa 35 porsyento ng buong lakas-paggawa ang saklaw ng mga unyon. Batay sa mga pag-aaral, ang pangkalahatang diperensya sa sahod, benepisyo at kondisyon sa paggawa ng mga unyonisado sa di unyonisadong mga manggagawa ay nasa 20 porsyento.

Mula 1947 hanggang 1973, ang kita ng mga pamilya sa Amerika ay lumaki ng 2.4 hanggang 3 porsyento bawat taon. Halos nadoble ang kita sa nagdaang tatlong dekada matapos ang WW II. Pero mula 1973, sumumpong na uli ang dating regular na sakit ng kapitalismo. Pumutok ang recession.

Mula noon, hindi na tumaas ang tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa, at mula 1978, bumagsak pa ito ng 11 porsyento gayong ang kanilang produktubidad ay tumaas ng 24 porsyento mula 1979. Sa nakalipas na 20 taon, ang tunay na halaga ng sahod ng 75 porsyento ng mga manggagawa sa US ay bumagsak ng 20 porsyento. Kahit ang mga manggagawang gradweyt ng kolehiyo ay dumanas ng 2 porsyentong pagbagsak ng halaga ng kanilang kita mula 1987. Ang minimum wage sa US ay hindi itinaas mula 1981 hanggang 1989, at ang halaga nito ay bumagsak ng 16 porsyento. Mula 1991, ipinako na ito $4.25 bawat oras. Ang nabibili ng halagang ito ay 2/3 lang nabibili ng minimum wage noong 1960.

Dahil bumabagsak ang kita, naoobliga ang mga manggagawa na magtrabaho ng mas mahabang oras, pagtrabahuin ang mas maraming myembro ng pamilya at malubog sa pagkakautang. Mula 1979 hanggang 1989, ang karaniwang taunang oras na inuukol sa pagtatrabaho ng lahat ng manggagawa sa Amerika ay nadagdagan ng 5 porsyento. Pagdating ng 1990, 59 porsyento ng mga ina ay naghahanapbuhay mula sa dating 45 porsyento noong 1980. Mula 1979 hanggang 1989, ang bilang ng mga manggagawang mahigit sa isa ang hanapbuhay ay lumaki mula sa 4.7 milyon sa 7.2 milyon. Pero hindi pa rin tumataas ang kita kumpara sa gastos. Kaya’t obligado silang mangutang. Mula 1980 hanggang 1989, ang kabuuang pagkakautang ng mga konsyumer sa Amerika ay lumundag mula $631 bilyon sa $936 bilyon.

Paparaming mga manggagawa ang wala na ring kasiguruhan sa trabaho. Ang kabuuang bilang ng tinatawag na "contingent workforce" sa US (temporary, part-timers, "independent contractors") ay tinatayang nasa 37 milyon, 25 porsyento ng kabuuang workforce ng Amerika. Lumaki ito ng 193 porsyento mula 1985 hanggang 1995. Dahil sa mga downsizing, 43 milyong trabaho ang nalipol sa Amerika mula 1979 hanggang 1995. Ang naprodyus naman na bagong trabaho sa panahong ito ay nasa 23 milyon lang. Sa mga nawalan ng trabaho dahil sa downsizing, 35 porsyento lang ang nakakita ng bagong trabaho na parehas o mas mataas ang sweldo kaysa dati nilang trabaho.

Habang bumabagsak ang kita ng mga manggagawa sa Amerika, lumalaki naman ang kita ng mga kapitalista kasabay ng pagtaas ng produktubidad. Mula 1980 hanggang 1995, tumaas ng 205 na porsyento ang tubo ng mga kapitalistang kompanya habang mga manedyer ay tumaas ng 499 porsyento! Mula 1983 hanggang 1989, kinamkam ng 1 porsyento ng populasyon ang 62 porsyento ng nadagdagan na yaman sa Amerika habang ibinulsa ng susunod na 19 porsyento ang 37 porsyento. Ang natitirang 80 porsyento ng mga Amerikano ay pinaghatian ang natitirang 1 porsyento!

May malaking kinalaman rito ang pagbagsak ng kilusang unyon sa Amerika dahil sa kontra-opensiba ng kapital na nagsimula mula noong nararamdaman na ng mga kapitalista ang papalapit na krisis.. Mula sa kalakasan nito noong kalagitnaan ng 1950s, lumiit ang bilang ng unyonisado sa 28 porsyento noong kalagitnaan ng 1970s, at sa kasalukuyan, nasa 15 porsyento na lang ng kabuuang workforce, at 11 porsyento ng mga nasa pribadong industriya. Ang pagbagsak ng unyonismo ang dahilan ng pagliit ng mga benepisyo mula 1980s, kabilang ang 7 porsyento na pagliit ng bilang ng mga kompanyang nagbibigay ng health coverage at 6 porsyento na pagliit ng nagbibigay ng pension plan.

Ang "Modelong" Amerikano

Kung lalagumin ang lahat ng ating isinalaysay, ang sumusunod ang mabubuong kongklusyon:

Una, ipinundar ang kapitalismo sa Amerika sa murang paggawa ng mga alipin, migrante, katutubong Amerikano, at mga kababaihan at kabataang manggagawa.

Ikalawa, sa mahigit 100 taon ng pag-unlad ng kapitalismo sa Amerika sa landas ng "mal;ayang kompetisyon", hindi prosperidad ang idinulot nito sa mayorya ng popopulasyon. Ang ibinunga nito proletaryanisasyon ng buong lipunan kabilang ang pagkawasak ng mga indepdyenteng prodyuser at transpormasyon nila bilang mga sahurang-manggagawa.

Ikatlo, sa mahigit 100 taong pag-unlad ng "malayang" kapitalismo sa Amerika, dumanas na agad ito ng sunud-sunod at maiigting na mga resesyon at depresyon o mga krisis ng sobrang-produksyon na kung hindi ito bumaling sa pandaigdigang imperyalistang ekspansyon, mananabog ang buong ekonomya at babagsak.

Ikaapat, kung hindi man umasenso ang populasyon ng Amerika sa panahon ng "malayang" kapitalismo, hindi rin ito umasenso kahit noong panahong sumampa na ito sa antas ng monopolyo-kapitalismo o sa unang mga dekada ng pagiging imperyalista ng Amerika.

Ikalima, ang pag-angat sa kapangyarihan ng monopolyo-kapital ay dinaan sa lantarang pagwasak sa kilusang manggagawa na kaiba sa dinaanang landas ng mga bansa sa Europa.

Ikaanim, substansyal ang itinaas ng istandard ng pamumuhay ng populasyon ng Amerika nang masolo nito ang dominasyon sa ekonomya ng mundo matapos ang World War II.

Ikapito, anumang pag-angat ng istandard ng pamumuhay ng mga Amerikano ay hindi resulta ng anumang pagbabago sa distribusyon ng kayaman sa kanilang lipunan. Resulta ito ng simpleng paglago ng kayamanang ng US bilang numerong imperyalistang bansa sa daigdig.

Ikawalo, sa mahigit 250 taon ng kapitalismo sa Amerika, ang distribusyon ng kayamanan ay halos hindi nagbabago. Lumalala pa nga sa paglaki ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. At sa kasalukuyan, 1 porysento na lang ng bagong yaman ng Amerika ang pinaghahatian ng 80 porsyento ng populasyon.

Ang kapitalismo bang ito ng amerika ang dapat gawing "modelo" ng pag-unlad ng mundo? Ang prosperidad ba ng Amerika ang pruweba na superyoridad ng kapitalismo o ito ang pruweba na kung hindi magiging imperyalista ang isang bansa, hindi tatagal ang kapitalismo? Kung ganito ang kasaysayan ng pagyaman ng Amerika – kung inuubos ng 20 porysento ng mayayaman sa Amerika ang 99 porsyento ng kayamanan ng kanilang lipunan at ang itinitira sa 80 porsyento ng populasyon ay 1 porsyento! – paano tayo maniniwala sa ultimong intensyon ng itinutulak nitong "globalisasyon" ng ekonomya ng daigdig?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento