I. Epidemya ng Kahirapan

I. EPIDEMYA NG KAHIRAPAN

NAGAGAMOT na ngayon ng modernong syensya ang malulubhang sakit ng tao. Pero ang ordinaryong sakit ng lipunan – ang salot ng kahirapan – hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng lunas. Epidemya pa rin ang proporsyon nito sa buong mundo.

Naglalakbay na ang tao sa kalawakan. Milyong milya ang inabante ng sibilisasyon mula nang gumagala pa ang primitibong tao sa gubat para sa kanyang pagkain. Pero kung titingnan ang paghihikahos ng mayorya ng populasyon, parang hindi umusad, kahit isang pulgada, ang kalidad ng buhay.

Kung kailan walang kaparis ang itinaas ng produksyon ng pagkain, saka milyun-milyon ang namamatay sa gutom. at nagkakasakit sa malnustriyon. Naglalakihan ang mga gusali at mansyon sa syudad. Pero walang matirhan ang daan-daang milyon sa mundo. Walang kapantay ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Pero tatlong bilyon ang walang sapat at tiyak ng trabaho. Inililigtas ang mga hayop sa bingit ng ekstinksyon. Pero pinababayaan ang bilyong taong mistulang mga dagang nabubuhay sa mga istero at pusali ng modernong lipunan. (Box 1 Mukha ng Paghihikahos sa Daigdig)

Progresong panlipunan. Narito raw ang solusyon, ang pag-asa para makaahon sa kahirapan ang populasyon ng daigdig. Pero hindi pa ba sapat ang isinulong ng progreso para mabuhay nang maginhawa ang lahat?

Modernong industriya.. Sa kamay ng mga manggagawa, ang mga makinarya ay instrumento ng pag-unlad. Pero sino ang umuunlad? Hindi ang mga nagpapaandar ng makina kundi ang mga may-ari ng makina – ang mga kapitalista!

Kagila-gilalas ang iniunlad ng modernong lipunan sa nagdaang mga siglo at dekada. Pero kalunos-lunos pa rin ang paghihikahos sa ating paligid. Nasaan ang problema? Bakit sa kabila ng grabeng pagsulong ng produktubidad ng lipunan ay grabe pa rin ang karukhaan? Bakit sa kabila ng sobrang karangyaan ng ilan ay terible pa rin ang pagdarahop ng marami?

Sa inabot na karunungan ng tao, hindi pa ba natutuklasan ang lunas sa epidemya ng kahirapan? Sa inabot na pag-unlad ng teknolohiya, hindi pa ba nadidiskubre ang paraan para mabuhay ang lahat nang sagana, panatag at may dignidad?

Kung ang sanhi ng kahirapan ay isang organismo o mikrobyo, baka matagal nang naimbento ang gamot sa ganitong epidemya. Pero ito ay hindi isang sakit na pwedeng silipin sa mikroskopyo o pag-aralan sa laboratoryo. Ito ay hindi isang impeksyon o kalamidad na galing sa Kalikasan.* Ang Kalikasan nga ang nagbibigay sa tao ng mayamang materyal para mapasagana ang kanyang buhay. Pero sino ang sumasagana at nagpapasasa sa likas at likhang yaman ng daigdig at lipunan? (Box 2: Listahan ng Pinakamayayaman sa Mundo)

Sobra-sobra ang yaman na galing sa Kalikasan at sa Paggawa. Ang problema, ang yaman na likha ng Paggawa at bunga ng Kalikasan ay inaari ng iilan upang alipinin ang nakararaming walang ari-arian.*. Ito ang "mikrobyo" ng kahirapan – ang pribadong pagmamay-ari ng mga gamit sa produksyon at yaman ng lipunan. Narito ang pinakaugat ng kahirapan sa daigdig.

Matagal nang natuklasan at napaunlad ng tao ang solusyon sa kahirapan sa mundo – ang modernong makinarya, ang modernong industriya. Inabot na ng tao ang sapat na karunungan at kaunlaran para mapaginhawa ang buong sangkatauhan.

Sa pamamagitan sana ng modernong makinarya’t industriya, syensya’t teknolohiya, ang masaganang materyal ng Kalikasan ay malilinang ng Paggawa para sa kagalingan at kaunlaran ng buong lipunan. Pero imbes na maging simpleng kagamitan ng paggawa ng tao para sa pangangailangan ng lahat, ito ay nananatiling instrumento ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa – ng mga uring nagmamay-ari sa mga uring walang ari-arian. Ito ang kalikasan ng lipunang ating ginagawalan. Ito rin ang kalikasan ng kahirapan ng mayorya ng tao sa lipunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento